Ebanghelyo: Mateo 9:35—10:1, 5a, 6-8
At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.” Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel. Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga may ketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad.”
Pagninilay
Si Jesus ay nahabag sa mga taong nahihirapan at mga naaapi. At ito nga ang ginawa ng mga Obispo sa Nicaragua nang iniligtas nila ang mga taong nakulong at nanganib ang buhay sa kamay ng mga paramilitar sa ilalim ng rehimen ni Ortega noong taong 2018. Bagamat sila’y sinaktan at pinagmumura ng mga pwersa ng karahasan, patuloy silang naglakas loob upang maging tulay ng kapayapaan at hustiya sa bansa. Paano naman ako? Nararamdaman ko ba ang pangangailangan ng kanyang tulong sa aking buhay? Maaari rin ba akong maging instrumento ng kanyang pagmamahal at pagpapala sa aking kapwa?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020