Ebanghelyo: Mateo 9:27-31
Pag-alis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: “Anak ni David, tulungan mo kami!” Pagdating niya sa bahay, inabutan siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?” At sumagot sila: “Oo, Ginoo!” Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: “Mangyari sa inyo ang inyong paniwala.” At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: “Mag-ingat kayo at huwag sabihin ito kanino man.” Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila siya sa buong bayan.
Pagninilay
Maraming nakahahabag at nakapanlulumong mga balita ang dumarating sa atin tulad ng mga trahedya, aksidente at iba’t iba pang mga karahasan na nagaganap araw araw sa ating mundo. Sa ebanghelyo ngayon, pinagaling ni Jesús and dalawang bulag na lumapit sa kanya. At kahit na sila pa’y mahigpit na pinagbawalan ni Jesús na huwag sabihin kanino man, hindi nila napigilan ang kanilang sariling ipahayag ang mabuting balita ng kanilang muling pagkakita. Nawa’y maging katulad din tayo sa kanila na hindi itinago ang dakilang kabutihan na kanilang natanggap mula kay Jesús. Matuto sana tayong magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang natatanggap natin sa bawat araw.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020