Ebanghelyo: Mateo 7:21, 24-27
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!
Pagninilay
Sa kapistahan ni San Francisco Xavier, pasalamatan natin ang Diyos dahil sa dakilang pagmamahal at sigasig na nag-udyok sa kanyang maglakbay sa buong mundo upang ibahagi ang kanyang panamampalataya kay Jesus sa maraming mga tao. Isinilang siya noong Abril 7, 1506, sa Espanya. Sa pamamagitan ng paghimok ng kanyang kaibigan na si San Ignacio ng Loyola, nahikayat siya sa serbisyo sa Simbahang Katolika at naging isa sa mga tagapagtatag ng orden ng Heswita. Inalay niya ang kanyang buhay sa mga misyon sa Asya tulad ng India at Hapon. Namatay siya sa Shangchuan Island sa Tsina noong Disyembre 3, 1552.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020