Ebanghelyo: Mt 8: 5-11
Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…“ Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.“ Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.“ Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit.
Pagninilay
Ang ebanghelyo ngayon ay nagpapaalala sa atin sa isang bahagi ng Banal na Misa na ipinapahayag natin bago natin tanggapin ang Katawan at Dugo ni Jesus. “Panginoon, hindi ako karapat-dapat para magpatuloy sa Iyo, ngunit sa isang salita Mo lamang ay gagaling na ako.” Labis na hinangaan ni Jesus ang kapitan, isang pagano, sa kanyang pananalig na mapapagaling Niya ang katulong nito. Batid ng kapitan na isang utos lamang ni Jesus ay magagawa nang mapabangon ang lumpo at naghihirap niyang katulong. Ang Salita ni Jesus ay tunay na maykapangyarihan. Nawa’y bilang mga kristiyano na sumasampalataya kay Jesus, manalig din tayo sa kapangyarihan ng Kanyang salita. Ang salita ni Jesus ay nagpapagaling, nagpapalaya, at nagdadala sa buhay natin ng awa at pag-asa. Ang pananampalataya ay hindi lamang ipinapahayag sa salita, ito ay kailangan nating ipakita sa gawa.
© Copyright Pang Araw – araw 2024