Ebanghelyo: Mateo 9:27-31
Pag-alis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa kanya ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: “Anak ni David, tulungan mo kami!” Pagdating niya sa bahay, inabutan siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?” At sumagot sila: “Oo, Ginoo!”
Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: “Mangyari sa inyo ang inyong paniwala.” At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: “Mag-ingat kayo at huwag sabihin ito kanino man.” Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila siya sa buong bayan.
Pagninilay
Matindi talaga ang pangangailangan ng dalawang bulag na ito. Akalain mo bulag na nga pero nagawa pang sundan at inabutan si Jesus pagdating ng bahay. Paano kaya nila nagawa iyon? Anong diskarte ang kanilang ginamit?
May isang bagay lamang na gustong itanong sa kanila ni Jesus: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?” Diretso ring “Oo” ang sagot ng dalawa. At noon din ay ipinagkaloob ni Jesus ang kanilang kahilingan.
Ganoon din kaya tayo humiling kay Jesus? Ganoon din kaya tayo katiyaga? Ganoon din kaya ang ating pagtitiwala kay Jesus? Mahalaga ang pagtitiwala na ito sapagkat itinanong mismo ito ni Jesus sa mga bulag bago Niya sila pinagaling. Sa ating sariling buhay, ano ang isang bagay na hinihiling natin nang lubusan? Gaano ito kahalaga sa atin? Kaya ba nating magtiyaga sa pagsunod kay Jesus? Ang pagsunod ay ang pag-alis ng anumang balakid sa relasyon natin sa Diyos. Ano naman kaya ang hadlang na iyon? Magagawa kaya nating alisin iyon? Kung magagawa natin iyon, mapapalapit tayo kay Jesus at hindi tayo mahihiya sa sambitin ang ating pangangailangan. Hindi tayo bibiguin ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022