Ebanghelyo: Mateo 7:21, 24-27
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon!
Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang
nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa
kaharian ng Langit.
Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!
Pagninilay
Hindi lahat ng tumatawag sa aking ‘Panginoon, Panginoon’ ay papasok sa Kaharian ng langit …” Bakit hindi pwede ang lahat ng tao? Alalahanin natin na sinabi ni Pablo na “kung ipapahayag ng iyong labi na si Jesus ay Panginoong… maliligtas ka” (Roma 10:9). Sa pamamagitan nang pagpapahayag ay maliligtas ka na! Ang pananalig na tinutukoy ni Pablo ay ang buhay na pananampalataya. Ito ay nangangahulugan ng pananampalataya na isinasabuhay at isinasagawa. Si Pablo ay likas na hindi sumasalungat sa mga turo ng ating Panginoong Jesucristo. Pawang katotohanan lamang ang sinasabi ng Panginoon at ito mismo ang nararapat na maging batayan ng ating buhay Kristiyano. Ang pananalangin at pagsamba ay ang ating pagtawag sa pangalan ni Jesus. Nawa’y maisabuhay natin ang mga aral na ating natutunan bilang mga Kristiyano, dito tayo madalas pumapalya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021