Ebanghelyo: Mateo 7:21, 24-27
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit.
Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!
Pagninilay
Ang pinag-uusapan dito ay kung kanino ka nagtitiwala: sa sarili, sa iba o sa Diyos. Noong tayo ay musmos pa, wala tayong magawa kundi magtiwala sa ating mga magulang. Pero habang lumalaki, nakakapag-aral at nakakapaghanap-buhay untiunti tayong natututo na magtiwala sa sarili. Dapat lamang dahil hindi naman pang-habang-buhay na tayo ay nakakapit sa ating mga magulang o kung sino mang tao na ating masasandalan. Ang totoo, isa sa mga tanda ng tinatawag na “maturity” ay ang kakayahan na tumindig sa sariling paa.
Pero hindi ito pangkalahatan, o “absolute” dahil bilang mga nilalang ng Diyos kailangan pa rin natin na umasa, sumandal at magtiwala sa Diyos. Sa ganitong paraan, para kang nakasandal sa pader. Paano ito, anong gagawin? Sabi ni Jesus, makikinig sa mga salita Niya at isasabuhay ito. Paano maririnig ang mga salita Niya? Sa Ebanghelyo, bahagi ito ng Banal na Kasulatan. Ang taong sumisimba tuwing Linggo ay nakakarinig nito. Kaya kung seryoso na maging matatag ang buhay at hind kaagad-agad natutumba, sumimba tuwing Linggo, pakinggang mabuti ang Ebanghelyo, makinig din sa homiliya o sermon at sa pag-uwi, gawin ito. Hindi ka magigiba!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022