Ebanghelyo: Lucas 10:21-24
Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.”
Pagninilay
Nagalak si Jesus sa pagbalik ng pitumpung alagad na ipinadala niya. Masaya sila dahil sa mga dakilang bagay na kanilang ginawa sa kanyang pangalan. Ganun din sana tayo. Saan man at kahit ano man ang mga gawain natin sa ating buhay, ang pagpapalaganap nang salita ng Diyos sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at puno ng pagmamahal sa kapwa ang maging pangunahin nating hangarin. Sa ganitong paraan ay nakikibahagi rin tayo sa misyon ni Jesus na siyang dahilan ng ating kagalakan. Manalangin tayo na sa gabay ng Espiritu Santo ay maging mga tunay na saksi tayo sa kadakilaan ng Diyos sa araw-araw ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020