Ebanghelyo: Mateo 10:17-22
Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. Pag nilitis naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang Kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit ang mananatiling matatag hanggang wakas ang siyang maliligtas.Pagninilay
Isang araw matapos ang pagdiriwang ng Dakilang Pagsilang ni Jesus, ginugunita natin ang kapistahan ng unang martir na si San Esteban. Mula sa maluwalhating pagsilang ni Jesus sa Bethlehem patungo sa madugong pagkaladkad at pambabato sa martir na si Esteban. Pagpapaalala lamang ito ng isa pang katotohanan na ang sanggol na Jesus na ating pinupuri at pinararangalan sa Belen ay Siya pa ring Jesus na itatakwil, ipapako sa krus at mamamatay. At kung tayo’y magiging tunay na saksi bilang mga Kristiyano, dadalhin din tayo mula sa tuwa patungong hapis. Si Esteban ay naging tunay na saksi ng Kanyang pananampalataya. Naging ganap sa Kanya ang binanggit ni Jesus sa Ebanghelyo, “Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin…” Maging tapat din nawa tayo kay Kristo mula sa Kanyang pagsilang patungo sa Kanyang kamatayan.© Copyright Pang Araw-Araw 2019