Ebanghelyo: Lucas 1:67-79
Napuspos ng Espiritu Santo ang ama Niyang si Zacarias at nagpropesiya nang ganito: “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, dahil nilingap Niya at tinubos ang Kanyang bayan. “Mula sa sambahayan ni David na Kanyang lingkod, ibinangon Niya ang magliligtas sa atin, ayon sa ipinangako Niya noong una sa pamamagitan ng mga banal Niyang propeta: kaligtasan mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng mga namumuhi sa atin. “Nagpakita Siya ng awa sa ating mga ninuno at inalaala ang banal Niyang tipan, ang pangakong sinumpaan Niya sa ating amang si Abraham na ililigtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway, upang walang takot natin siyang mapaglingkuran, nang may kabanalan at katarungan sa harap Niya sa buong buhay natin. “At ikaw naman na munti pang anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan. Mangunguna ka nga sa Panginoon para ihanda ang Kanyang daan. Ituturo mo ang kaligtasan sa Kanyang bayan sa pagpapatawad Niya sa kanilang mga sala. “Ito ang gagawin ng maawaain nating Diyos sa pagpapasikat Niya sa atin ng araw na galing sa kaitaasan upang liwanagan ang mga nananatili sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,at akayin ang ating mga yapak sa daan ng kapayapaan.Pagninilay
Isinilang ang isang sanggol na bunga ng pagdadalang-habag ng Panginoon. Kagalakan ang dulot sa angkang Israel bagama’t batid nila na hindi Siya ang Mesiyas. Malinaw sa awit ni Zacarias ang gampanin ng kanilang anak: “Ikaw sanggol ay tatawaging propeta ng kataas-taasan sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang Kanyang daraanan at ituro sa Kanyang bayan ang kaligtasan, ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.” Si Juan ang magtuturo sa atin patungo sa Kordero ng Diyos. Siya ang magbibigay daan upang masumpungan ang Mesiyas. Maging daan din nawa tayo upang matagpuan ng ibang tao ang Mesiyas. Nawa ang pagtugon sa ating pananampalataya ang maging buhày na saksi patungo sa daan ng Panginoon.© Copyright Pang Araw-Araw 2019