Ebanghelyo: Mateo 1:18-24
Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang Kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na Siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang Kanyang asawa. Matuwid nga Siya at ayaw Niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip Niya ito, napakita sa Kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya Siya naglihi, at manganganak Siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat Siya ang magliligtas sa Kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atinang-Diyos.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa Niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap Niya ang Kanyang asawa. Ngunit hindi sila nagtalik bago isilang ang sanggol. At pinangalanan Niya itong Jesus.Pagninilay
Sa kabila ng Kanyang katandaan at kahinaan, hindi iniinda ni Lolo Sebyo ang pagpila upang makakuha ng hinabang (relief goods). Laking pasalamat Niya sa tuwing maririnig ang tunog ng sasakyan na nagdadala ng hinabang. Ilang buwan na rin ang kanilang inilalagi sa evacuation center at halos hinabang lang ang Kanyang inaasahan. Nahihiyang ngiti at salamat ang namutawi sa Kanyang mga labi habang ini-aabot sa Kanya ang sùpot na may lamang bigas at ilang de-lata. Buong ingat na sápo-sápo ni Lolo Sebyo ang hinabang na para bang may karga-kargang sanggol. Sa kawalang kadahilanan, ang larawan ng Birheng Maria na hawak ang batang si Jesus ang biglang sumagi sa aking isip. Materyal na bagay man ang hinabang ngunit para kay Lolo Sebyo, ang hinabang na iyon ay may kalakip na pagmamahal at pagkalinga ng sino mang nagkaloob noon. At noong araw ding iyon, para kay Lolo Sebyo, ang hinabang ay naging patunay na ang Diyos ay Emmanuel, “Nasa-atin-ang-Diyos.”© Copyright Pang Araw-Araw 2019