Ebanghelyo: Lucas 1:5-25
* (…) Minsan, habang naglilingkod si Zacarias sa harap ng Diyos (…) ang napiling pumasok sa santuwaryo ng Panginoon para magsunog ng insenso. (…) napakita sa Kanya ang anghel ng Panginoon (…). Naligalig si Zacarias at sinidlan ng takot pagkakita rito. Ngunit sinabi sa Kanya ng anghel: “Huwag kang matakot, Zacarias; dininig na ang iyong panalangin. Ipanganganak sa iyo ng asawa mong si Elizabeth ang isang anak na lalaki, at pangangalanan mo siyang Juan. (…) Mangunguna Siya sa Panginoon taglay ang diwa at kapangyarihan ni Elias para papagkasunduin ang mga magulang at mga anak, at ibalik ang mga masuwayin sa pag-unawang bagay sa mga makatarungan upang maihanda ang isang bayang angkop sa Panginoon.” Sinabi naman ni Zacarias sa anghel: “Paano ko ito matitiyak? Matanda na nga ako at may katandaan na rin ang aking asawa.” Sumagot ang anghel at sinabi sa Kanya: “Ako si Gabriel na nasa harap ng Diyos. Ako ang sinugo sa iyo para kausapin ka’t ihatid ang magandang balitang ito. Matutupad sa takdang panahon ang aking mga salita; ngunit ikaw na di naniniwala ay magiging pipi at di makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.” (…)Pagninilay
Madalas sa tuwing binabasa natin ang bahaging ito ng Ebanghelyo tungkol sa mag-asawang Zacarias at Elizabeth, dalawang bagay ang karaniwan nating natatandaan sa pagsasalarawan sa kanila. Una, “wala silang anak dahil baog si Elizabeth” at pangalawa, “kapwa matanda na sila.” Tila ba ito’y isang sumpa na “kahihiyan sa paningin ng tao.” Ngunit huwag nating kalimutan na sa simula pa lamang ay dalawang bagay na rin ang unang ginamit upang ipakilala sila: “Kapwa sila matuwid sa harap ng Diyos at namumuhay nang walang kapintasan ayon sa lahat ng batas at kautusan ng Panginoon.” Ito ang mga bagay na tunay na kalugodlugod sa mata ng Diyos. Makita rin nawa natin sa ating kapwa at sa ating mga sarili ang tunay na kalugod-lugod sa mata ng Diyos.© Copyright Pang Araw-Araw 2019