Ebanghelyo: Mateo 1:18-25
Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang Kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na Siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang Kanyang asawa. Matuwid nga Siya at ayaw Niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip Niya ito, napakita sa Kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya Siya naglihi, at manganganak Siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat Siya ang magliligtas sa Kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atinang-Diyos.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa Niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap Niya ang Kanyang asawa. Ngunit hindi sila nagtalik bago isilang ang sanggol. At pinangalanan Niya itong Jesus.Pagninilay
Larawan si Jose ng isang dalisay na pag-ibig at pagtalima sa kalooban ng Diyos. Bagama’t hindi n’ya lubusang maunawaan ang mga pangyayaring nakapaligid sa Kanya lalo’t higit ang pagdadalantao ni Maria, patuloy pa rin siyang nagpaubaya sa kagustuhan ng Diyos. Ano nga kaya ang iniisip Niya? Ano nga kaya ang nilalaman ng Kanyang kalooban? Sa isang dulang musikal na likha ni Ryan Cayabyab at Nestor Torre, ang Magnificat, Awit ng Papuri, binigyang interpretasyon ang dakilang saloobin ni Jose habang Kanyang inaawit: “Maria napakapalad ng Maykapal sapagkat nakamtan Niya ang natatangi mong pagmamahal… Kung iyong mamarapatin, sabay natin Siyang dadakilain sa ngalan ng pag-ibig ko sa’yo at ng pag-ibig mo sa Kanya.” Tunay ngang dalisay ang pag-ibig na ito ni Jose.© Copyright Pang Araw-Araw 2019