Ebanghelyo: Mateo 21:23-27
Pagpasok ni Jesus sa Templo, lumapit sa Kanya ang mga punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio, at nagtanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo?” Sinagot sila ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. At kung may sagot kayo, sasagutin ko kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Saan galing ang pagbibinyag ni Juan, sa Diyos ba o sa tao?” At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin Niya: ‘Bakit di kayo naniwala sa Kanya?’ At kung sasabihin naman nating ‘Galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan,’ dapat tayong matakot sa bayan sapagkat akala nila’y tunay na propeta si Juan.” Kaya sinabi nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.”Pagninilay
May kaakibat na responsibilidad at paninindigan ang bawat sagot natin sa anumang katanungan. Sa harap ng dalawang pagpipilian, papanigan natin ang kung ano ang pinaniniwalaan nating tama. At kung sa bandang huli ay napagtanto nating mali pala ang sagot na ating napili, may kababaang-loob nating tanggapin at ituwid ang kamalian. Dalawa lamang ang pagpipiliang sagot ng mga makapangyarihang nagtanong kay Jesus kung saan nanggaling ang pagbibinyag ni Juan. Subalit dahil batid nila na hindi naman talaga katotohanan ang gusto nilang matagpuan, minabuti nilang huwag na lamang pumili. Pagtakas ito sa responsibilidad. Pag-iwas ito sa paninindigan. Pinakamadaling gawin ang magkibit-balikat at sabihing “Hindi namin alam.” Sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya, hinahamon tayong lagi na pumili at manindigan. Maging matapang nawa tayo.© Copyright Pang Araw-Araw 2019