Ebanghelyo: Mateo 11:2-11
Nang nasa kulungan si Juan Bautista, nabalitaan Niya ang mga ginagawa ni Kristo kaya pinapunta Niya ang Kanyang mga alagad para tanungin siya: “Ikaw ba ang darating o dapat bang maghintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus sa kanila: “Bumalik kayo at ibalita kay Juan ang inyong narinig at nakita: Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga mayketong, nakakarinig ang mga bingi, nagigising ang mga patay at may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha. At mapalad ang hindi natitisod dahil sa akin.” Pagkaalis ng mga sugo ni Juan, nagsimulang magsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa disyerto para makita? Isang kawayang hinahampas-hampas ng hangin? Ano ang pinuntahan ninyo? Isang lalaking magara ang bihis? Sa mga palasyo nga nakatira ang mga taong magagara ang bihis. Ano ba ang pinuntahan ninyo? Isang propeta? Totoo. At sinasabi ko na higit pa Siya sa isang propeta. Siya ang binabanggit sa Kasulatan: Pinauna ko sa iyo ang aking mensahero upang ihanda ang daan sa harap mo. Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag, pero mas dakila sa Kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng Langit.Pagninilay
Madalas na isang bungkos na gulay na pakó iniiwan ng siyam na taong gulang na si Kenken sa Claret Mission Center. Para raw kay Páder. Isang pilíng na saging at pananim na sibuyas naman mula sa kanilang bukid ang dala ng sampung taong gulang na si Ronelio para sa Claret Novitiate House. Isang bungkos ng mga bulaklak naman para raw sa kapilya. Ilan lamang sina Kenken at Ronelio sa daan-daang naninirahan sa evacuation centers pagkatapos ng lindol. Sa gitna ng kanilang kahirapan at kawalan at sa kabila ng kanilang kamusmusan, marunong silang magpasalamat. Sino raw ang mas higit pa sa dakilang propetang si Juan Bautista? Wika ng Ebanghelyo, “… mas dakila sa Kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng Langit.” Ito marahil ang dahilan kung bakit winika ni Jesus na marapat na tularan ang mga bata kung nais makapasok sa kaharian ng Langit (Mk 10:15).© Copyright Pang Araw-Araw 2019