Ebanghelyo: Mateo 17:9a, 10-13
At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.” Tinanong naman Siya ng mga alagad: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias?” At sumagot si Jesus: “Dapat nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias pero hindi nila Siya nakilala, at pinakitunguhan nila Siya ayon sa kanilang kagustuhan. At sa gayon ding paraan magdurusa ang Anak ng Tao sa kamay nila.” At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy ni Jesus.Pagninilay
Si Juan Bautista na nga ang dumating na propeta ngunit hindi nakilala ng tao at sa halip ay pinakitunguhan Siya alang sa kanilang kagustuhan. Paanyaya ni Juan Bautista ang talikdan ang mga kasalanan at magbagong-buhay sapagkat nalalapit na ang Paghahari ng Diyos. Hangad Niyang ihanda natin ang ating mga puso sa pagdating ng Mesiyas. Sa mundong patuloy na namumuhay sa pagkamakasarili, kawalang katarungan, pagkagahaman, at iba’t-iba pang uri ng kawalan ng pagmamahal, patuloy na umaalingawngaw ang sigaw na ito ni Juan Bautista. Nakikilala kaya natin ang mga makabagong propeta na sumisigaw ng pagbabalik-loob at paghahari ng pagibig, kapayapaan at katarungan? O marahil gaya ng mga taong hindi nakinig kay Juan, nais natin silang pakitunguhan alang sa ating kagustuhan? Maging bukas nawa ang ating mga puso sa propetikong paanyaya.© Copyright Pang Araw-Araw 2019