Ebanghelyo: Mateo 11:16-19
“Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo pero ayaw ninyong sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw din ninyong umiyak!’ “Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng mga tao: ‘Inaalihan Siya ng demonyo.’ At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi ng mga tao: ‘Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayon pa man, mapatutunayang tama ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”Pagninilay
Hindi iisang beses nating narinig sa ating mga magulang na wala silang ibang hangad kundi ang ating kapakanan at kabutihan. Madalas natin itong marinig sa kanila lalo’t sa mga pagkakataong tayo’y hindi sumasang-ayon sa kanilang mga utos o di kaya’y hindi maunawaan ang kanilang mga paghihigpit. Tulad tayo ng mga bata sa plasa na nagrereklamo: ayaw sumayaw sa tugtog, ayaw umiyak sa malungkot na awit. Ang Diyos, na tulad din ng ating mga magulang, ay walang ibang hinahangad kundi ang kaligtasan ng Kanyang mga anak. Subalit tayo bilang mga anak ay kinakailangang sumunod sa Kanyang mga utos na siyang magdadala sa atin sa ating kaayusan at kabutihan at hindi sa kung anupamang kapahamakan. Huwag sana nating hintaying Kanyang muling bigkasin: “Kung pinakinggan mo lamang ang aking mga utos…” (Is 48:18)© Copyright Pang Araw-Araw 2019