Ebanghelyo: Mateo 11:11-15
“Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag, pero mas dakila sa Kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng Langit. Mula sa panahon ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng Langit ay kailangang agawin, at ang mga buo ang loob ang umaagaw nito. “Pagpopropesiya nga lamang ang panahon ng Mga Propeta at ng Batas hanggang kay Juan. At kung gusto ninyo itong tanggapin, si Juan ang Elias na darating. Makinig ang may tainga.”Pagninilay
Kababaang-loob ang pundasyon ng kadakilaan. Madaling agawin ni Juan Bautista ang atensyon at paghanga ng mga tao kung gugustuhin nito ngunit malinaw sa Kanya ang Kanyang gampanin. Siya ang tagapaghanda ng daan na ni hindi karapat-dapat magbigkis ng tali ng sandalyas ng tunay na Mesiyas. Sa ginagawa nating paghahanda ngayong panahon ng Adbiyento, mainam na muling paalalahanan ang ating mga sarili sa tawag ng pagpapakumbaba. May hindi ba tayo pagkakaunawaan ng ating kaibigan? Subukang magpakumbaba at makipag-usap. May nasaktan ba tayo sa ating mga salita? Magpakumbaba at humingi ng paumanhin. Tandaang ang ating pinaghahandaang dumating ay isang Panginoong nagpakumbaba.© Copyright Pang Araw-Araw 2019