Ebanghelyo: Mateo 9:27-31
Pag-alis ni Jesus sa lugar na iyon, sumunod sa Kanya ang dalawang bulag na lalaki na sumisigaw: “Anak ni David, tulungan mo kami!” Pagdating Niya sa bahay, inabutan Siya ng mga bulag at sinabi ni Jesus sa kanila: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?” At sumagot sila: “Oo, Ginoo!” Hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi: “Mangyari sa inyo ang inyong paniwala.” At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit naman silang tinagubilinan ni Jesus: “Mag-ingat kayo at huwag sabihin ito kanino man.” Ngunit pagkaalis nila, ipinahayag nila Siya sa buong bayan.Pagninilay
Ilang beses na nga ba tayong humiling sa Panginoon ng isang bagay na mukhang imposibleng mangyari? Ilang beses na rin ba tayong nag-alinlangang humingi ng isang bagay na sa palagay nati’y mukha namang hindi ipagkakaloob. Parehas na tanong ang kailangan nating sagutin: “Naniniwala ba kayo na may kapangyarihan ako para gawin ang gusto ninyong mangyari?” Ano ang magiging tugon natin? Batid naman ng Panginoon ang kung anong ninananais nating mangyari na makabubuti sa atin. Kahit mga bulag, sinundan nila si Jesus upang hilinging sila’y makakita. Sila’y naniwala at nakakita nga. Walang imposible sa taong nananalig.© Copyright Pang Araw-Araw 2019