Ebanghelyo: Mateo 7:21, 24-27
“Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. “Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad Siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. “At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad Siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!”Pagninilay
Anumang klase ng istruktura ay nangangailangan ng matibay na pundasyon upang manatiling nakatayo suungin man ito ng matinding bagyo o malakas na lindol. Ano ang kinatatayuan ng ating buhay? Ano ang pundasyon ng ating mga paniniwala at pagpapasya? Gaya ba tayo sa matalinong tao na itinayo ang Kanyang bahay sa ibabaw ng bato? Winika ni Jesus na ang taong yaon ang “nakikinig sa salita ko at sumusunod dito.” Hindi sapat ang makinig sa Kanyang salita; marapat na sundin at isabuhay ito. Samakatuwid ang pundasyon ng ating buhay ay ang pagkikinig at pagsunod sa Kanyang kalooban. Tayo’y Kanyang mga ina at kapatid kung tayo’y nakikinig at nagsasabuhay ng Kanyang salita (Mk 3:35).© Copyright Pang Araw-Araw 2019