Ebanghelyo: Lucas 10:21-24
Nang sandaling iyo’y nag-umapaw sa galak sa Espiritu Santo si Jesus at sinabi Niya: “Pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at ipinamulat mo naman sa maliliit. Oo, Ama, naging kalugud-lugod ito sa iyo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala kung sino ang Anak kundi ang Ama, at kung sino ang Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.” Pagkatapos ay bumaling si Jesus sa mga alagad at sinabi sa kanila nang sarilinan: “Mapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at hari ang nagnais makita ang inyong nakikita pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.Pagninilay
Magalak tayong lagi sa Panginoon! Hindi mabibilang ang dahilan upang hindi natin ipahayag ang galak na dala ng Espiritu Santo. Isang dakilang biyaya ang ating pinaghahandaan ngayong panahon ng Adbiyento. Isang kapanapanabik na handog ang naghihintay sa atin. Hindi ba’t sapat na dahilan ang palagiang presensya ng Panginoon upang tayo’y magalak? Nagsasalita at nagpaparamdam Siya sa ating buhay sa napakaraming bagay at paraan. Makikita at maririnig natin Siya kung patuloy nating bubuksan ang ating mga puso. Isang paanyaya ng Adbiyento ang pag-igtingin ang ating mga panalangin. Magalak tayo sapagkat sa katahimikan ng ating pakikipagpulong sa Kanya, maririnig natin siya.© Copyright Pang Araw-Araw 2019