Ebanghelyo: Mateo 8:5-11
Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa Kanya ang isang kapitan at nakiusap sa Kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo Siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa Kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa Niya ito.” Nang marinig ito ni Jesus, humanga Siya at sinabi sa mga sumusunod sa Kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit.Pagninilay
“Panginoon hindi ako karapatdapat na magpatulóy sa iyo ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.” Ito ang ating binibigkas bago pa man natin tanggapin si Jesus sa banal na komunyon. Isa itong pagpapamalas ng pananampalataya gaya ng ipinahayag ng kapitan sa Capernaum. Sino nga ba sa atin ang karapatdapat na tanggapin si Jesus sa ating mga tahanan? Makakatagpo ba Siya sa ating mga tahanan ng malinis at walang bahid ng kasalanan? Marahil ay hindi, at ito nga ang dahilan kung bakit Siya mismo ang dumadalaw sa ating mga tahanan. Hindi ba’t Siya mismo ang nagnais pumasok sa bahay ni Zakeo na isang kolektor ng buwis, (Lk 19:5) at nakikain pa sa bahay ng mga makasalanan? (Mk 2:16). Hindi man tayo karapat-dapat, halinang patuluyin si Jesus sa tahanan ng ating mga puso.© Copyright Pang Araw-Araw 2019