by Abraham M. de la Torre
Linggo ang araw ng paggunita
sa ating pagkabuhay at mula
sa pagod ng gawain ay tigil
upang mangilin, para hintayin
ang ilaw sa kapwa ngiti, saka
ibalik yon sa saliw ng Misa.
Sa pagsasalo mayroong aliw
sa kadaupang-palad na giliw
na ang hatid sa tahana’y handog
isang-linggong ang dulot ay lugod
sa binisita at panauhin –
Inang Maria – kawing-dalangin.
Ang mga butil, di lang maganda
may basbas din kaya kasama sa
mga kamay, bibig at daliri
usal ng dagundong na papuri
at salamat sa manang pag-ibig
sa Anak Niya at ating kapatid
sa Diyos Amang sa ati’y nagmahal.
Hindi mababahiran ang banal
ng nais na makipagkasundo
sa hilig ng isang nagluluto
ng kakanin upang ipamigay
sa tiyak na doon ay maglalaway.
Pagkaraan ng orasyon, tuwa
ay hahantong sa mga balita
ng mga awit na naiwanan
kung kaya binabalik-balikan.