Ebanghelyo: Juan 20:1-9
(o Mateo 28:1-10 o Lucas 24:13-35) Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang mga telang linen pero hindi siya pumasok. Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at siya’y naniwala. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan siyang magbangon mula sa mga patay.
Pagninilay
Dalawang ulit nating napakinggan sa ebanghelyo ang mga salitang, “Huwag kayong matakot.” Ang una ay mula sa anghel na sinabi sa mga babae na pumunta at sabihin sa mga mga alagad na si Jesus ay muling nabuhay at makikita nila sa Galilea. Ang ikalawa naman ay nang makasalubong ng mga babae sa daan si Jesus. Sinabi Niya sa kanila na humayo at sabihin sa kanyang mga kapatid na pumunta sila sa Galilea. Mula sa pagiging alagad tungo sa pagiging kapatid. Sino nga ba ang aking mga kapatid? Minsan ay sinabi ni Jesus na ang kanyang ina at mga kapatid ay yung mga taong sumusunod sa kalooban ng Ama (cf Mt 12:50). Inaanyayahan rin niya tayo na makita natin siya sa Galilea, hindi lamang bilang isang Guro kundi bilang kapatid. Tulad ni Jesus na sumunod sa kalooban ng Ama, tayo rin ay itinuturing niyang mga kapatid na sumusunod sa kalooban ng Ama. Naalala ko tuloy nang minsang tinanong ng isang pari ang mga tao kung sino ang may gustong pumunta sa langit. Nagtaasan ang lahat ng kamay. Sinundan ito ng isa pang tanong, “Sino ang gustong pumunta sa langit, ngayon na?” Nagtawanan ang mga tao sapagkat walang nagtaas ng kamay. Huwag matakot na maging kapatid si Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020