Ebanghelyo: Mateo 28:1-10
Kinahapunan ng Araw ng Pahinga, sa paglabas ng unang bituin, sa unang araw ng sanlinggo, pumunta sa libingan si Maria Magdalena at ang isa pang Maria para tingnan ang libingan. Walang anu-ano’y lumindol nang malakas at bumaba mula sa langit ang Anghel ng Panginoon at nilapitan ang bato,pinagulong ito at naupo roon. Parang kidlat ang kanyang mukha at simputi ng niyebe ang kanyang damit. Nanginig naman sa takot ang mga bantay at naging parang mga patay. Sinabi ng Anghel sa mga babae: “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito; binuhay siya ayon sa kanyang sinabi. Tingnan ninyo ang lugar na pinaglibingan sa kanya. Pumunta kayo agad ngayon at sabihin sa kanyang mga alagad na muli siyang nabuhay at mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang mensahe ko sa inyo.” Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.”
Pagninilay
“Ito ang bagong araw, ito’y araw ng tagumpay.” Isang matagumpay na araw ang nakalaan sa ating lahat. Ang tagumpay na ito ay dahil na rin kay Jesus na Muling Nabuhay sa kadakilaan ng Diyos Ama. Ito rin ang paanyaya sa atin ni Jesus ngayon: “Huwag kayong matakot.” Tulad ng mga alagad, may takot at pangamba rin tayong nararanasan. Nariyan na ang pagharap sa ating kasalukuyan. Hindi pa man nangyayari ay punong-puno na tayo ng pangamba. Ang mga takot at pangambang ito ay mga bagay na maaaring sumalungat sa ating mga pangarap o kaya’y mga bagay na maaaring mawala sa atin. Inaanyahan tayo ni Jesus na pumunta sa Galilea. Dito nagsimula ang kanyang pangangaral at paggawa ng mga himala. Sa kanyang Muling Pagkabuhay, doon niya muling papatotohanan ang kaganapan nang pangako ng Ama. Sa ngayon, wala na tayong dapat pang ipangamba o ikatakot sapagkat sa banal na Eukaristiya makakatagpo natin Siya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020