Ebanghelyo: Juan 18:1 – 19:42
(…) Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan. Pagkaraan nito, alam ni Jesus na ngayo’y natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan doon na puno ng maasim na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang isang esponghang ibinabad sa alak at idiniit sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo’y ibinigay ang espiritu. Dahil paghahanda noon, ayaw ng mga Judio na mamalagi sa krus ang mga katawan sa Araw ng Pahinga sapagkat dakilang araw ang Araw na iyon ng Pahinga. At ipinakiusap nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at ng isa pang kasama niyang ipinako sa krus. Ngunit pagsapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran, at biglang may umagos na dugo at tubig. Ang nakakita ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At Siya ang nakaaalam na totoo ang sinasabi niya para maniwala kayo. Gayon kailangang maganap ang Kasulatan: Walang babaliin sa kanyang mga buto. At sinasabi ng isa pang Kasulatan: Pagmamasdan nila ang kanilang sinibat. Pagkatapos ay nakiusap kay Pilato si Joseng taga- Arimatea – alagad nga siya ni Jesus pero palihim dahil sa takot sa mga Judio – upang maalis niya ang katawan ni Jesus. At pinahintulutan siya ni (…)
Pagninilay
Ang araw na ito ay isang napakadakilan araw na dapat nating gunitain ng may kabanalan at katahimikan. Si Jesus ang Salitang nagkatawang-tao at nakipamayan sa atin ay dumanas ng pagpapakasakit na tanging tao lamang ang siyang dapat dumanas – ang sakit at kamatayan. Ngunit kanyang ipinababatid na kasama natin ang Diyos hanggang sa huling hibla ng ating buhay. Ang dinaranas natin ay kanya ring pinagdaanan. Makikita lamang natin ang kabuluhan ng kanyang pagpapakasakit at kamatayan kung bibigyan natin ng pagkakataon ang ating kalooban ng katahimikan upang muling masilip ang mga panahong dumanas rin tayo ng hirap at pasakit. Ito ay magdadala sa atin ng katatagan sa buhay sapagkat makikita natin na binago ng Diyos ang anyo ng kahirapan. Hindi upang tayo ay ibagsak, kundi dala ng ating pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos, tayo ay kanyang sasagipin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020