Ebanghelyo: Mateo 26:14-25
At pumunta sa mga punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?” Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya. Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: ‘Sinasabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad’.” At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa. Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang Anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
Pagninilay
Maganda ring maitanong natin sa ating sarili, “Ako ba Panginoon?” Ngayong Semana Santa, muli tayong makikilahok sa Misteryo Paskual ni Jesus – sa kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay. Marami tayong ginawa sa panahon ng kuwaresma: nag-aayuno, naglilimos, nagdidiyeta at iba pa. Para saan? Para kanino natin ito ginagawa? Si Jesus ay naging tapat sa pagsunod sa kalooban ng kanyang Ama. Ito rin nawa ang maging damdamin at saloobin natin. Hindi natin kayang mabuhay kung aasa lamang tayo sa ating kakayanan. Kailangan natin ng lakas na mula kay Jesus. Inialay niya ang kanyang sarili hindi para sa kanyang kaligtasan, kundi sa kaligtasan nating mahihina sa paggawa ng kabutihan. “Panginoon, bigyan mo ako ng lakas na di kita pagtaksilan. Batid ko ang aking karupukan, kaya naman ako ay naghahangad na ako ay iyong tulungang makaahon sa aking pagkalugmok sa kasamaan patungo sa isang panibagong buhay, kasama mo. Amen.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2020