May pasubali itong kapag ibinalik sa nagpadala at ipinadala pa sa iba, muling babalik ang mensahe at may kasamang sorpresa. Sapat na sa akin ang bahagi ng galak na sumaakin.
Habang nagkaka-edad ako, naging mas mabait ako at nabawasan ang pagiging kritikal ko sa sarili. Naging kaibigan ko ako.
Nakita ko ang maraming kaibigang lumisan nang napakaaga sa mundo; bago nila natuklasan ang mabunying kalayaang dulot ng pagtanda.
Kaninong kaabalahan ba kung gustuhin kong magbasa o magsulat o maglaro ng Scrabble sa computer nang walang sawa? Kakanta ako anumang oras na gutuhin ko. Isasayaw ko ang sarili sa cha-cha o hip-hop o oy-oy at kung gusto kong maiyak dahil may naalaala akong pumanaw na mahal sa buhay, iiyak ako.
Lalakad at tatakbo ako sa buhanginan, suot ang panlangoy na balot ang buong katawan dahil kulubot na at may tiyan, sisisid sa alon, walang pakialam, kahit pinagtitinginan ako ng kabataan, nang naaawa o nagtatawanan. Tatanda rin naman sila.
Alam kong malilimutin na ako. Walang kaso dahil may mga bagay sa buhay na mas mabuti pang kalimutan. May mga pagkakataon namang maaalala natin ang mahahalagang bagay.
Siyempre, sa paglipas ng panahon, nabasag ang puso ko. Paanong hindi mababasag ang puso mo pag namatay ang mahal mo, o may batang naghihirap, o may nasagasaang aso? Pero binibigyan tayo ng basag na puso ng lakas, awa, at pang-unawa. Ang pusong hindi pa nababasag ay basal, puro, at hindi na malalaman ang tuwa ng pagiging hindi perpekto.
Lubos akong pinagpala sa matagal na buhay para magkaroon ng uban, para gumuhit ang halakhak sa mga gatla ng aking mukha. Napakaraming hindi nakahalakhak, napakaraming pumanaw bago pumuti ang buhok.
Habang nagkaka-edad ka, mas madaling maging positibo. Wala ka nang panahon sa iniisip ng iba. Hindi ko na tinatanong ang sarili. Nagkaroon pa nga ako ng karapatang magkamali.
Sa mga magtatanong, gusto ko ang pagtanda. Pinalaya ako nito. Gusto ko ang taong naging ako. Hindi ako mabubuhay magpakailanman pero naririto pa ako, hindi ko sasayangin ang oras sa panghihinayang sa mga nangyari sana, o pag-aalala sa mga mangyayari pa. At kakain ako ng kanin araw-araw pag gusto ko.
Salin ng mensahe mula kay Ate Becky (Abraham de la Torre)