SALAMAT KAY ALEX, ang panganay kong anak, at sa impluwensiya ng mga awtor na sina David Kessler at Elisabeth Kübler-Ross, natuklasan kong nalampasan ko na ang limang yugto ng hinagpis na lumukob sa akin nang yumao ang kapatid kong si Stephen.
Lumayo ako sa mga kaibigan at grupo pagkaraang masunog ang kanyang mga labi. Inihiwalay ko ang sarili sa kanila dahil ayokong pag-usapan namin siya. Itinatwa ko na kailangan ko ng kasama o kausap upang mapagaang ang bigat ng mawalan ng minamahal. Pamilya lang ang aking inasahang katuwang na, salamat at pawang abala, nagpalaki sa espasyo ng aking pag-iisa. Hindi ko naramdaman ang ganitong kawalan nang mamatay si Papa (77) at si Mama (92). Hindi ako naging iyakin gaya noong mga bata pa kami ni Steve. Babalik lang siya sa pag-aaral sa Paracale pagkatapos ng bakasyon, umaatungal na ako. 65 lang siya nang kunin ng Diyos, limang taon ang bata sa akin. Kung ako, patuloy na lumalangoy sa agos ng buhay, laluna sana siya.
Galit ako sa mga nagsabing kaibigan nila si Steve at nangakong dadalaw sila sa ospital. Nang mailabas na namin siya, nangako silang pupunta sa bahay. Hanggang masunog ang kanyang bangkay, wala isa man lang akong nakita sa kanila. Isang kapitbahay ang nagsilbing kinatawan ng mga kakilala niya (at kabalatuhan) sa OTB sa Cabuyao.
Mas galit ako sa mga kawani ng pribadong ospital na pinagdalhan namin sa kanya. Dumaan kami sa parteng hindi nila itinanong kung may kapasidad kaming magbayad kundi tiningnan lang nila kami upang makapagpasiya na hindi kami bagay sa ospital nila. Binigyan kami ng Diyos ng mga kaibigang handang makipagsigawan para pakinggan ang aming matinding pangangailangan, at pahupain ang pagngingitngit ng aming kalooban. Meron din kaming nalapitang pinagmulan ng napakalaking tulong pinansyal upang mairaos ang nakagugulumihanang gastos. Ngunit ang pinakamalaking grasya na tinanggap namin, araw-araw, gabi-gabi, at magdamagan, ay mula sa mahihirap naming kaibigan at kapitbahay. Sila ang aking kinapitan sa mga oras na tila wala na yatang ibang makakaalaala pa.
Nakipagkasundo ako sa Diyos, hindi para pahabain ang buhay ni Steve, kundi paikliin iyon, hindi dahil sa laki ng magiging gastos, kundi dahil sa laki ng magiging paghihirap niya at ng mga nag-aalaga sa kanya. Magmula nang matumba siya sa banyo, dalhin ni Sunny sa ospital, ilabas at pitong buwang naratay sa bahay, hindi na bumalik ang kanyang huwisyo, lakas, lusog, o ngiti man lang. Hindi siya palasimba, gayundin si Sunny, na bunso namin, pero matamang nakinig sila sa akin nang kausapin ko sila na tanging kalooban ng Diyos na lamang ang aming mapanghahawakan. Hindi iyaking katulad ko si Steve pero isang luha ang tumulo sa kanya bilang pagsang-ayon. Naihanda na namin siya noong dalawin siya ng pari at pahiran ng langis. Isang malaking grasya na umalis siya nang walang ginambalang sinuman.
Hindi ko alam kung ang aking pag-iisa at pag-iwas sa mga usapan ay panlulumo. Kapag may hindi ako maiwasang kausap, normal ang aking pakikitungo, bagamat maingat kong dadalhin ang kwentuhan sa maliliit na bagay at kabuluhan. Hanggang maghiwalay kami nang nagkakaintindihan. Nang hindi naungkat ang pinanggagalingan ng aking katahimikan.
Walang bagay o pangyayaring hindi matatanggap. Gaya ng anumang katotohanan, lilipas ang lahat at mapupunta sa alaala. Nasa tao na ang pagpili kung babalikan pa o hindi na. Ang mahalaga, tiyak na merong maganda sa paggunita sa nakaraan, kung marapat mang balikan. Mas mahalaga ang tahimik na pag-iisip kaysa sa malakas na pag-isa-isa sa mga kabutihang nagawa (totoo man o gawa-gawa lang) ng lumisan na. Dito mas matimbang ang dasal, na galing sa puso, at hindi inuusal para sa nakakarinig.
Sa limang yugtong nabanggit, may pahabol si David Kessler. Sinusuma nito – ng kahulugan – ang pagkakaila, galit, pakikipagtawaran, depresyon at pagtanggap sa isang daan kung saan maaalaala yaong mga yumao nang may pagmamahal sa halip na kirot. Kailangan nating umusad nang patungo sa paraang magpupugay sa ating mga mahal sa buhay. Sapagkat hindi nagwawakas ang buhay sa hukay kundi sa piling ng Panginoon pagkatapos ng buhay. Amen.
Pahabol:
Bago ako maunahan ni David, galing din sa kanyang impluwensya ang gusto-kong-isiping pampitong yugto ng hinagpis – tapang. Upang maging perpekto ang bilang.