Mula sa mga pahina (157 hanggang 166) ng pangalawang aklat na Jesus of Nazareth ni Pope Benedict XVI (Joseph Ratzinger), hindi ko mapigilang isalin sa Tagalog at ibahagi ang napakaningning na mga pananaw sa aklat na tumimo sa aking puso. Gayundin ang aking dasal para sa mga tutunghay sa abang pinagsikapan ko.
Ang Kalooban ni Hesus at ang Kalooban ng Ama
Ano ang ibig sabihin nito? Ano ang “Aking” kalooban na salungat sa “Iyong” kalooban? Sino ang nakikipag-usap kanino? Ang Anak ba na kumakausap sa Ama? O ang taong si Hesus na kumakausap sa tatlong persona ng Diyos? Walang nasasaad sa Banal na Kasulatan na maaari nating pagkunan ng napakalalim na pang-arok sa panloob na misteryo ni Hesus na katulad ng panalangin sa Bundok ng mga Olibo. Kaya ang mga pagsisikap ng unang Simbahang maunawaan ang katauhan ni Hesus ay nagkahugis sa resulta ng malalim na pagninilay ng pananalig sa Kanyang panalangin sa Bundok.
Sa puntong ito, dapat nating pag-aralan ang pananaw ng unang Simbahan tungkol kay Kristo (Christology), upang makamit ang pag-unawa nito sa iba’t-ibang ugnayan ng banal na kalooban at pantaong kalooban sa katauhan ni Kristo. Nilinaw ng Konseho ng Nicea ang Kristiyanong konsepto ng Diyos. Ang tatlong persona – Ama, Anak at Espiritu Santo – ay isa, sa isang ”sustansya” ng Diyos. Makaraan ang isang siglo, sinikap ng Konseho ng Kalsedonya na ipaliwanag ang ugnayan ng kabanalan at pagiging tao ni Hesukristo sa paggamit ng pormula na ang isang pagkatao ni Hesus ay mayroong dalawang kalikasan – banal at tao – nang walang “pagkalito at paghihiwalay.”
Sa ganitong paraan, ang walang katapusang pagkakaiba ng Diyos at tao, ng Manlilikha at nilikha, ay naingatan: mananatiling tao ang tao, mananatiling banal ang banal. Ang pagiging tao ni Hesus ay hindi aangkinin o babawasan ng Kanyang kabanalan. Iiral iyon sa Kanyang kabuuan, habang nagpapatuloy sa banal na katauhan ng pangalawang persona. Kasabay nito, sa patuloy na pagkakaiba ng mga kalikasan, ang ekspresyong “isang tao” ay naghahatid ng radikal na pakikiisa ng Diyos sa tao. Ang pormula ni Papa Leo the Great – dalawang kalikasan, isang tao – ay naghahayag ng pang-unawang nilampasan ang sandali ng kasaysayan, at dahil doon ay masiglang tinanggap ng mga Ama ng Konseho.
Ang pormula ay una sa panahon nito: ang kongkretong kahulugan niya ay hindi pa ganap na naitatag. Ano ang ibig sabihin ng ”kalikasan?”Ngunit mas mahalaga, ano ang ibig sabihin ng “tao?” Dahil hindi ito malinaw, maraming obispo pagkaraan ng Kelsedonya ang nagsabing mamarapatin pa nilang mag-isip nang gaya ng mga mangingisda kaysa gaya ni Aristotle. Nanatiling malabo ang pormula. Kaya naging lubhang kumplikado ang proseso ng pagtanggap ng Kalsedonya, at mababangis na gyera ang ipinaglaban dahil doon. Sa huli, nagbunga iyon ng dibisyon: ang mga Simbahan sa Roma at ang Byzantium lamang ang tiyak na tumanggap sa Konseho at sa pormula nito. Pinili ng Alexandria sa Ehipto na manatili sa pormulang “isang pinabanal na kalikasan (monophysitism);” samantalang sa malayong silangan, may alinlangan pa rin ang Syria tungkol sa konsepto ng isang tao, dahil parang nakakompromiso rito ang tunay na pagiging tao ni Kristo. Hindi lamang simpleng mga ideya ang isyu rito: mas mahalaga, pinahirapan ang debate ng magkakasalungat na anyo ng debosyon at bigat ng mga paniniwala tungkol sa relihiyon, at hindi ito nalutas. Patuloy na ipinababatid ng Konsehong Ekumenikal ng Kalsedonya sa Simbahan ng lahat ng panahon ang kinakailangang daan tungo sa misteryo ni Hesukristo. Dahil dito, kailangang muli itong iangkop sa konteksto ng kasalukuyang pag-iisip, dahil nagkaroon na ng iba’t-ibang kahulugan ang mga konsepto ng “kalikasan” at “tao” kumpara sa panahong nagdaan. Ang pagtatama ay dapat kasabay ng ekumenikal na pakikipag-usap sa mga Simbahang nauna sa Kalsedonya, upang ang ating nawalang pagkakaisa ay maibalik sa sentro ng ating pananampalataya – sa kumpisal ng ating Diyos na naging tao kay Hesukristo.
Ang malaking gyera na ipinaglaban pagkatapos ng Kalsedonya, laluna sa Silangang Byzantine, ay bunsod ng katanungang: Kung merong isang banal na persona kay Hesus, na taglay ang dalawang kalikasan, ano kung gayon ang kalagayan ng Kanyang kalikasang tao? Kung nananatili ito sa isang banal na tao, hindi ba pwedeng sabihin na meron itong tunay, partikular na pag-iral sa sarili mismo? Hindi ba ito dapat angkinin ng hindi-mapipigilang banal na kalooban, sa pinakamataas nitong puwesto man lang? Dadalhin tayo nito sa panghuli sa malalaking pag-aaklas laban sa katauhan ni Kristo, na tinawag na “monotheletism,” ang paniniwala na si Kristo ay dalawa ang kalikasan ngunit iisa lang ang kalooban. Isang kalooban lang ang maaaring umiral sa pagiging ganap ng isang tao, ayon sa mga naniniwala rito; magiging schizophrenic ang taong may dalawang kalooban: sa huli, nasa kalooban ang pagkakakilanlan sa kanya, at kung isa lang ang tao, isa lang ang kalooban. Ngunit may pagtutol dito: Anong uri ng tao ang walang kalooban ng tao? Ang tao bang walang kalooban ay totoong tao? Ang Diyos ba kay Hesus ay totoong naging tao, kung ang taong ito ay walang kalooban?
Ang bantog na Byzantine theologian na si Maximus the Confessor ay gumawa ng sagot sa tanong na ito sa pagsisikap na maintindihan ang panalangin ni Hesus sa Bundok ng mga Olibo. Una sa lahat, isang determinadong kalaban ng monotheletism si Maximus: Ang kalikasang tao ni Hesus ay hindi naputol sa ugnayan Niya sa pangalawang persona ng Diyos; nanatili itong kumpleto. At ang kalooban ay bahagi ng kalikasang tao. Ang ganitong hindi-mababagong dualismo ng tao at banal na kalooban ni Kristo ay hindi dapat, gayunman, unawain bilang schizophrenia ng isang dalawa ang personalidad. Ang kalikasan at tao ay dapat makita sa kalagayan ng pag-iral na marapat sa bawat isa. Ibig sabihin: na kay Hesus ang “likas na kalooban” ng kalikasang tao, ngunti merong isa lamang “personal na kalooban” na hihila sa “likas na kalooban” patungo rito. At posible ito nang hindi kinikitil ang partikular na elementong tao, dahil ang kaloobang tao, na nilikha ng Diyos, ay umaayon sa banal na kalooban. Sa pag-ayon sa banal na kalooban, nararanasan nito ang pagkaganap, hindi ang pagkapuksa. Hinggil dito, ani Maximus, ang kaloobang tao, sa bisa ng paglalang, ay patungo sa paggawa nang kasama (synergy) ang banal na kalooban, ngunit dahil sa kasalanan, nahahalinhan ang synergy ng oposisyon: ang tao, na ang kalooban ay nagkakaroon ng kaganapan sa pag-ayon sa kalooban ng Diyos, ay meron ngayong isip na ang kanyang kalayaan ay nakakompromiso sa kalooban ng Diyos. Itinuturing niyang ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi pagkakataon upang maging ganap na siya, kundi isang panganib sa kanyang kalayaan na nilalabanan niya.
Ang drama sa Bundok ng mga Olibo ay nasa katotohanang hinihila ni Hesus ang likas na kalooban ng tao palayo sa oposisyon at pabalik sa synergy, at sa gayon ay ibinabalik sa dati ang tunay na kadakilaan ng tao. Sa likas na kaloobang tao ni Hesus, ang suma total ng kalikasan ng taong sumalungat sa Diyos ay na kay Hesus mismo. Ang katigasan ng ating ulo, ang kabuuan ng pagsalungat natin sa Diyos ay nakikita, at sa Kanyang pagtutol, itinataas ni Hesus ang ating sutil na kalikasan upang maging totoo ito.
Sa ganitong punto, ani Christoph Schönborn, “ang pagbabago sa pagitan ng dalawang kalooban mula oposisyon patungong pagkakaisa ay nakakamit sa pamamagitan ng sakripisyo ng pagkamasunurin. Sa pagdurusa sa Gethsemane, lumitaw ang pagbabagong ito. Kaya ang panalanging “hindi ang Aking kalooban kundi ang sa Iyo” ay totoong panalangin ng Anak sa Ama at dito, ang likas na kalooban ng tao ay ganap na inangkin ng “Ako” ng Anak. Totoong inihayag ang buong pagkatao ng Anak sa “hindi Ako, kundi IKaw” – sa ganap na pagtatakwil sa sarili ng “Ako” patungo sa “Ikaw” ng Diyos Ama. Ang ganitong “Ako” ang umangkin at nagpabago sa pagtutol ng sangkatauhan, kung kaya tayong lahat ay naririto ngayon sa pagsunod ng Anak; tayong lahat ay nasa Kanyang pagiging Anak.
Ito ang huling punto tungkol sa panalangin ni Hesus, sa huling interpretasyon nito, ang uri ng pagtawag: “Abba, Ama” (Mk 14:36). Noong 1966, sumulat siJoachim Jeremias ng isang mahalagang artikulo tungkol sa paggamit ng ganitong termino sa panalangin ni Hesus, at mula rito’y gusto kong banggitin ang dalawang esensyal na palagay: “Dahil wala ni isa mang lugar sa literatura ng panalanging Hudyo na ang Diyos ay tinawag na Abba, laging ganito ang tawag ni Hesus sa Ama (maliban sa pagsigaw Niya sa Krus, Mark 15:34 at mga katulad nito). Kaya meron tayo ritong lubos at hindi-mapasusubaliang palatandaan ng mga salita ni Hesus. Higit pa rito, ipinakita ni Jeremias na ang salitang Abba ay kasama sa mga salita ng mga bata – na ito ang paraan ng pagtawag ng bata sa kanyang ama sa loob ng pamilya. “Sa kaisipang Hudyo, magiging walang galang at hindi kapani-paniwala kung ganitong pamilyar na kataga ang gagamiting pantawag sa Diyos. Bago at hindi pa naririnig ang ganitong ginawa ni Hesus. Kinausap Niya ang Diyos gaya ng pakikipag-usap ng bata sa kanyang ama… Ang paggamit ni Hesus ng Abba sa pagtawag sa Diyos ay nagpapakita ng puso ng Kanyang relasyon sa Diyos.” Mali, kung gayon, ang panig ng ilang theologian na nagpalagay na kinakausap ni Hesus ang Tatlong Persona ng Diyos sa panalangin Niya sa Bundok ng mga Olibo. Hindi, ang Anak ang nagsasalita rito, matapos Niyang angkinin ang kabuuan ng kalooban ng tao papunta sa Kanya at binago ito sa kalooban ng Anak.
Ang Panalangin ni Hesus sa Bundok ng mga Olibo sa Sulat sa mga Hebreo
Panghuli, dapat nating ituon ang pansin sa pahayag mula sa Sulat sa mga Hebreo na tumutukoy sa Bundok ng mga Olibo. Doo’y mababasa natin: “Sa mga araw ng Kanyang katawang lupa, nag-alay si Hesus ng mga panalangin at pagsamo, May kasamang malalakas na panaghoy at luha, sa Kanya na may kakayahang iligtas Siya sa kamatayan, at narinig Siya sa Kanyang maka-Diyos na takot.” Dito’y makikita natin ang isang malayang tradisyong may kaugnayan sa nangyari sa Gethsemane, dahil walang nabanggit na malalakas na sigaw o mga luha sa mga Ebanghelyo.
Dapat nating aminin na ang may-akda ng Sulat ay malinaw na hindi tinutukoy ang gabing iyon lang sa Gethsemane ngunit, sa buong via dolorosa ni Hesus hanggang sa pagpako sa Kanya sa Krus na, ayon kina Mateo at Markos, “sumigaw nang malakas si Hesus,” ang pambungad na mga salita sa Salmo 22; ang dalawang ebanghelistang ito ang siya ring nagsasabi sa atin na namatay si Hesus nang may malakas na sigaw; Malinaw na binanggit ni Mateo ang “sumigaw” sa puntong ito, na ang ibig sabihin ay sumigaw nang malakas. Binanggit ni Huan ang mga luha ni Hesus sa pagkamatay ni Lazarus, at ito ay sa konteksto ng Kanyang pagiging “balisa” ang isip – kung saan, gaya ng nakita natin, ginamit ni Huan ang salitang muling lilitaw sa “Linggo ng Palaspas” na kaugnay sa tradisyon ng Bundok ng mga Olibo.
Bawat pagkakataon ay isang tradisyon ng pagharap ni Hesus sa mga puwersa ng kamatayan, na Siya lamang, bilang Banal na Isa ng Diyos, ang makadarama ng lubos na lalim at sukdulang lagim. Ang paningin ng Sulat sa mga Hebreo sa buong kalbaryo ni Hesus – mula sa Bundok ng mga Olibo hanggang sa huling sigaw mula sa Krus – ay masusing tinigib ng panalangin, isang mahaba, makabagbag-damdaming pagsamo ng buhay sa Diyos sa harap ng kapangyarihan ng kamatayan.
Kung ang trato ng Sulat sa mga Hebreo sa buong Pasyon ay isang panalangin kung saan nakipagbuno si Hesus sa Diyos Ama at sa kalikasang tao, binibigyan din nito ng bagong linaw ang teolohikal na lalim ng panalangin sa Bundok ng mga Olibo. Sapagkat ang ganitong mga sigaw at pagsamo ay itinuturing na paraan ni Hesus upang magampanan ang Kanyang pagiging punong pari. Sa pamagitan ng Kanyang mga sigaw, luha at panalangin, ginagawa ni Hesus ang dapat gawin ng punong pari: itinataas Niya sa Diyos ang kalbaryo ng buhay ng tao. Dinadala Niya ang tao sa harap ng Diyos.
May dalawang partikular na salitang ginamit ang may-akda ng Sulat sa mga Hebreo upang bigyang-diin ang dimensyon ng panalangin ni Hesus. Ang pandiwang “dalhin” ay galing sa lenggwahe ng kultong sakripisyal. Ang ginawa rito ni Kristo ay nasa sentro ng sakripisyo. “Inihandog Niya ang Sarili upang tuparin ang kalooban ng Ama,” gaya ng komento ni Albert Vanhoye. Ang pangalawang salita na mahalaga sa ating mga layunin ay nagsasabing sa pamamagitan ng Kanyang mga sakripisyo, natuto Siyang maging masunurin at “naging perpekto” (Heb 5:8-9). Itinuro ni Vanhoye na sa Pentateuch, ang limang libro ni Moses, ang ekspresyong “gawing perpekto” ay eksklusibong ginagamit upang mangahulugan na “ikonsagra bilang pari.” Pinangunahan ang terminoliyang ito ng Sulat sa mga Hebreo. Kaya sinasabi sa atin ng ekspresyong nabanggit na ang pagiging masunurin ni Kristo, ang Kanyang huling “oo” sa Ama, natamo sa Bundok ng mga Olibo, ang “nagkonsagra sa Kanya bilang pari”; sinasabi sa atin nito na, mismong sa aktong ito ng pagbibigay ng sarili, sa ganitong pagtatataas ng kalagayan ng tao sa Diyos, tunay na naging ganap na pari si Kristo “ayon sa orden ni Melchizedek” (Heb 5:9-10).
Sa puntong ito, gayunman, dadako tayo sa sentro ng sasabihin ng Sulat sa mga Hebreo tungkol sa panalangin ng nagdurusang Panginoon. Sinasabi ng teksto na nagsumamo si Hesus sa Kanya na may kapangyarihang iligtas Siya sa kamatayan at, dahil sa Kanyang maka-Diyos na takot, sinagot ang Kanyang dasal. Ngunit sinagot ba ito? Namatay pa rin Siya sa Krus! Dahil dito, sinabi ni Harnack na ang salitang “hindi” ay maaaring inalis dito, at sumasang-ayon si Bultmann. Ngunit ang exegesis na ginawang taliwas ang teksto ay hindi exegesis. Sa halip, dapat nating unawain ang ganitong misteryosong anyo ng “pagkakaloob” upang mapalapit sa pag-intindi ng misteryo ng sarili nating kaligtasan.
Maaari nating suriin ang iba’t-ibang aspeto ng ganitong “pagkakaloob.” Ang isang posibleng salin ng teksto ay: “Narinig Siya at iniligtas sa Kanyang takot.” Tutugunin nito ang ulat ni Lukas, na nagsasabing isang anghel ang nagbigay-konswelo sa Kanya. Aayon din ito sa panloob na lakas na ibinigay kay Hesus ng panalangin, kaya nakayanan Niya ang pagdakip at Pasyon. Ngunit marami pang sinasabi ang teksto: itinaas Siya ng Ama mula sa gabi ng kamatayan at, sa Muling Pagkabuhay, iniligtas Siya sa kamatayan nang lubusan at permanente: hindi na mamamatay si Hesus. Subalit tiyak na ang teksto ay nangangahulugan ng higit pa: ang Muling Pagkabuhay ay hindi lang personal na kaligtasan ni Hesus mula sa kamatayan. Hindi Siya namatay para sa sarili lang. Ang Kanyang kamatayan ay “para sa iba”; iyon ay paglupig sa kamatayan mismo.
Kaya ang “pagkakaloob” na ito ay maaari ring unawain sa katulad na teksto sa John 12:27-28, kung saan, bilang sagot sa panalangin ni Hesus: “Ama, luwalhatiin ang pangalan Mo!”isang tinig mula sa langit ang sumagot: “Niluwalhati Ko na ito, at muli Ko itong luluwalhatiin.” Ang Krus mismo ang naging pagluwalhati sa Diyos, ang luwalhati ng Diyos na ipinakita sa pag-ibig ng Anak. Ang luwalhating ito ay higit sa sandali patungo sa buong inog ng kasaysayan. Ang luwalhating ito ay buhay. Ito ay nasa Krus na nakikita natin, nakakubli ngunit makapangyarihan: ang luwalhati ng Diyos, ang pagbabago ng kamatayan patungong buhay.
Mula sa Krus, darating sa atin ang bagong buhay. Sa Krus, si Hesus ay naging simula ng buhay para sa Kanya at sa lahat. Sa Krus, nalupig ang kamatayan. Ang pagkakaloob sa panalangin ni Hesus ay para sa buong sangkatauhan: Ang pagiging masunurin Niya ay naging buhay para sa lahat. Ang ganitong kongklusyon ay ipinaliwanag sa atin sa pagtatapos ng pahayag na pinag-aaralan natin: “Siya ang pinagmulan ng walang-hanggang kaligtasan sa lahat ng sumusunod sa Kanya, bilang itinakda ng Diyos na Punong Pari sa orden ni Melchizedek” (Heb 5:9-10). Amen.