(Salin mula sa Ingles na artikulo ni David La Mar)
LABINLIMANG MINUTO ANG pagrorosaryo. Ang panalangin sa umaga o sa hapon ay maaaring umabot sa 15 minuto bawat dasal. Ang Divine Mercy Chaplet naman ay hindi hihigit sa pitong minuto. Nang sinuma ko, natuklasan ko na ang kabuuan ng aking araw-araw na dasal ay halos 45 minuto lang. Hindi ko ito nagustuhan. Ni wala pang isang oras ang iniaalay kong panalangin sa Diyos bawat araw? Kailangang may gawin akong pagbabago. At ang solusyon ay nagmula sa isang bungkos ng mga butil ng panalangin na iba ang anyo kaysa sa ating palagiang taglay na rosaryo.
Tinatawag na “chotki” sa Ruso, o “komboskini” sa Griyego, ang karaniwang taguri sa ganitong butil o pinagbuhol-buhol na instrumento ng debosyon ay “Pisi ng Panalangin,” kung saan dinarasal ang Panalangin kay Hesus. Bago pa ang ika-anim na siglo, ito na ang dinarasal ng mga Kristiyano batay sa talinghaga ng publikanong tinatapik ang dibdib sa paghingi ng awa sa Diyos, habang tinatawag na makasalanan ang sarili.
Ang Panalangin kay Hesus
“Hesus, Anak ng Diyos, maawa Ka sa akin, isang makasalanan.”
Bagamat maikli, maraming mahalagang nagagawa ang panalangin. Una, kinikilala at dinarangal nito ang banal na pangalan ni Hesus. Para sa mga nagdurusa sa kasalanang pagyurak sa ngalan ng Diyos, isa itong paraan ng pagkilala rito sa pamamagitan ng pagsamba at hindi kawalang-galang. Pangalawa, kinikilala nito si Hesus bilang Diyos at, sa ugnayan, Manunubos ng taong nagdarasal. Pangatlo, kinukumpisal nito na Anak ng Diyos si Hesukristo. Pang-apat, at napakahalaga sa ika-500 taon ng ating pagiging Kristiyano, humihingi ng awa ang panalangin sa pamamagitan ng pag-amin ng ating pagiging makasalanan. Sa bibig ng malapit nang mamatay, ang Panalangin kay Hesus ay tunay na napakamakapangyarihan.
Ibig sabihin, ito ay isang panalangin ng habag para sa ating lahat.
(Ito ang sinabi ko sa isang artikulong sinulat ko para sa filcatholic.org. Kung mapapansin, ang panalangin ay binubuo ng sampung salita. Inihalintulad ko ito sa sampung utos ng Diyos, pinaikli ngunit inuusal nang paulit-ulit, upang bigyang-diin ang pagiging Anak ng Diyos ni Hesus, ang paghingi ng tawad ng nagdarasal at ang pag-amin niyang siya ay makasalanan. Ang pag-ulit ng panalangin ang katunayan ng bisa nito. Gaya ng paghinga, hindi mabubuhay ang humihinga kung wala ito.)
Ang chotki ay karaniwang may 33, 50 o hanggang 100 butil o buhol. Maaaring kumplikado ang mga buhol. Umaabot sa dalawa o anim na oras ang pagbubuhol ng chotki. May mga mongheng ang chotki ay may 500 buhol. Meron ding modelo na may mga borlas sa dulo, di-umano’y gamit ng ilan sa pagpahid ng kanilang mga luha ng pagsisisi o kagalakan.
May isang matandang kwento tungkol sa isang monghe na magbubuhol ng mga chotki at pagdaka’y may demonyong magkakalag ng mga binuhol niya upang biguin siya at hadlangan ang kanyang debosyon. Sa pagpapatuloy ng istorya, lumitaw ang bantay na anghel ng monghe at tinuruan siyang gawing korteng krus ang buhol. Mula noon, hindi na nakalag ng demonyo ang mga buhol.
Kinikilala ang chotki bilang mga butil ng panalanging gamit ng mga Katolikong Eastern Rite at maging ng mga Eastern Orthodox, na hiniwalayan ng Latin Rite noong ikalabing-isang siglo. Ibig sabihin, dinarasal na ng mga Kristiyano ang Panalangin kay Hesus mahigit na 500 taon na bago ang paghihiwalay ng mga Simbahan sa Silangan at Kanluran. At kung ang Eastern Rite o Eastern Orthodox ay hindi tipikal na nagdarasal ng rosaryo, tayong mga Romanong Katoliko naman ay hindi rin tipikal na nagdarasal gamit ang chotki. Sa pagtatanong kung bakit ganoon, maraming bagay ang lumitaw.
Nakunan ng larawan si Pope Francis na suot ang chotki sa kaliwang pulsuhan, ang tradisyunal na pinaglalagyan ng ganitong debosyon sa silangan. Sa ganitong paraan, malaya ang kanang kamay sa malimit na pag-aantanda sa tradisyong Orthodox. Isa pa, bilang si Arsobispo Jorge Mario Bergolio, nagkonselebra na si Papa Francisco ng Eastern Rite Divine Liturgy. Dahil suot niya ang chotki, iisipin ng makakakita na dinarasal niya ito. At bakit hindi niya ito darasalin? Nasa bibliya ito. Ang gamit ng Pisi ng Panalangin ay matanda na rin, mula pa sa pinagmulan ng mga Kristiyanong mongha at monghe. Ang pagkakalikha ng Pisi ng Panalangin ay sinasabing nagsimula kay San Pachomius noong ika-apat na siglo. Sinasabing iyon ay para sa mga monghe na hindi marunong magbasa upang makapagdasal sila at makatirapa sa kanilang selda ayon sa bilang ng mga buhol ng chotki. Sa paggamit ng pisi, naging posible ang pagdarasal ng Panalangin kay Hesus nang walang patid, sa loob at labas man ng selda, ayon sa paanyaya ni San Pablo na “Magdasal nang walang humpay” (1 Tesalonika 5:17). At ang Pisi ng Panalangin ay nakasentro kay Kristo.
Ibinili ako ng aking asaw ng isang chotking may 100 buhol sa isang lokal na Katolikong book store. Bumili rin ako ng isa pa sa Monasteryo ng St. Meinrad sa Indiana. Kung itinitinda ng mga establisimiyentong Katoliko Romano ang chotki para sa mga mananampalataya, bakit hindi natin nanaising dasalin ang Panalangin kay Hesus kasama sila?
Inendorso mismo ni San Juan Chrysostom ang Panalangin kay Hesus. Iminungkahi ng mga dalubhang ispiritwal ang palagiang pagdarasal nito, at hinati ang panalangin sa paghinga nang paloob at palabas. Sa paghingang paloob, darasalin ang “Hesus, Anak ng Diyos,” at sa paghinga palabas, ang dasal ay, “Maawa Ka sa akin, isang makasalanan.” Sa huli, ang layunin ay gawing “panalangin ng puso” ang Panalangin kay Hesus, dinarasal sa buong panahong gising at madalas hanggang ito ay maging sikolohikal na presensya tuwina. May mga Griyegong mongheng Orthodox na dinarasal ito nang 12,000 ulit araw-araw.
Isang di-pangkaraniwang payapa at mapagnilay na karanasan ang pagdagdag sa kalidad at kantidad ng buhay panalangin ng tao. At hindi mahirap pagsikapang dasalin ang Panalangin kay Hesus nang dalawang daang ulit pa araw-araw.
Totoo, pwede pa akong magdasal ng isa pang rosaryo. Pero ilang ikot lang sa chotki, nagkakaroon na ako ng masagana at madasaling labinlimang minuto na hinahanap ko.
Amen, David. Kasunod mo ako. Amen.