HINDI KO PAGSASAWAANG purihin at pasalamatan ang Panginoon, si Papa Francisco, at ang Simbahang Katolika sa pagdedeklara ng 2021 bilang Taon ni San Jose. Kaya pala noon pa man ay malakas na ang hila sa akin ng Parokya ni San Jose ang Tagapagtanggol. Doon sumigla ang nanlalamig nang pagsisilbi ko sa PREX na natigil lang dahil sa pandemya. Walang krisis o tranedya na mas makapangyarihan sa Diyos. Pinadaraan ko lang ang corona, hindi siya maaaring tumambay, dahil hindi ako tumitigil sa panalanging matapos na ang kanyang pananalasa. At tapat ang aking Diyos, malapit nang dumating ang korona ng Kanyang tagumpay laban sa trahedya.
Pinaghahandaan ko ang paglisan ng krisis sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsusulat ng anumang maaaring ipanlaban sa takot at pangamba. Dumaan sa pamilya ko ang sakit at hindi Niya kami pinabayaan. Bilang ganti, ipinangako ko sa Panginoon na hindi na ako hahanap ng iba pang lunas maliban sa panalangin laban sa Covid 19. Naisaulo ko na ang mga pag-iingat at iba pang tulong na pupuksa sa pandemya. Kung hindi ko man pinapansin ang mga sinasabi ng social media na nagdaragdag ng pag-aalala sa mga madaling madala ng impluwensiya, itutuon ko ang atensyon sa mga paraan kung paano makatutulong sa mga kaibigang hindi nagkait sa panahong kami ang nangailangan. May nadaragdag sa mga ipinag-nonobena ko; may nababawas din. Mabait at mahabagin ang Diyos. Hindi ako bibitaw sa Kanya.
Isa sa mga aklat na kinukunan ko ng pisikal na enerhiya at ispirituwal na inspirasyon ay ang “Consecration to St. Joseph” na handog sa akin ng kaibigan at kasalo (-sa-Bibliyang) si Ate Myla. Natapos ko nang isulat ang 33-araw na pagkokonsagra sa kanya. Binabasa ko pa ang kabuuan ng aklat ngunit minabuti kong isalin na ang isa sa mga natapos kong kabanata upang maibahagi ko sa mas maraming kapatid. Una ay ang “Banal na Bahay sa Loreto.” Kay UtoLiza ko narinig ang parirala at ganoon na lamang ang aking galak nang humantong ang pagbabasa ko sa mga pahinang nakapaloob ang kamangha-manghang kwento tungkol doon. Narito’t pagsaluhan natin.
NASA ITALYA ANG pinakabanal na bahay sa buong mundo. Dati itong nasa Holy Land ngunit lumipat ito.
Ang tahanan nina Jesus, Maria at Jose ay nasa bayan ng Loreto sa Italya. Inilipat ito mula sa Nazareth patungong Italya ng mga anghel. Nakagugulumihanan ang kwento at nanaisin mong pumunta sa Loreto pagkatapos mong mabasa ito.
Ayon sa mga nagsusulat ng mga kasaysayan, nanatili sa Nazareth ang bahay ng Banal na Pamilya sa loob ng 13 siglo. At, noong Mayo 10, 1291, bigla itong naglaho! Ang tanging natira ay ang pundasyon. Napuna ng lahat ng taga-Nazareth ang biglang paglaho ng bahay, na ikinalito ng buong komunidad. Dahil imposibleng ilipat iyon nang napakabilis ng isang tao o grupo ng tao.
Ayon sa tradisyon, ang Banal na Bahay ay inilipat mula sa Nazareth ng mga anghel. Sa mga ulat ng kanyang mga mistikong karanasan, ganito ang isinulat ni Blessed Anne Catherine Emmerich tungkol sa pagbuhat ng mga anghel sa Bahay. Aniya:
Madalas kong makita sa isip ang paglipat ng Banal na Bahay sa Loreto. Sa matagal na panahon, hindi ko siya mapaniwalaan, ngunit patuloy ko siyang nakikita. Nakita ko ang Banal na Bahay na itinatawid ng pitong anghel sa dagat. Wala itong pundasyon, ngunit sa ilalim nito ay may maningning na liwanag. Sa magkabilang panig ay may may hawakan. Tatlong anghel ang may hawak sa isang panig at tatlo pa sa kabila; nasa harap nito ang ikapitong anghel, may mahabang linya ng ilaw sa likod niya.
Kagila-gilalas? Gayunman, hindi naobserbahan ni Blessed Anne Catherine sa kanyang mga bisyon na unang dinala ng mga anghel ang Banal na Bahay mula sa Nazareth papuntang bayan ng Trsat, isang lugar sa Croatia. Noong panahong iyon, kilala ang Croatia bilang Illyria o Dalmatia. Bakit doon dinala ng mga anghel ang bahay?
Inilipat ang Banal na Bahay noong 1291. Naging malinaw ang dahilan makalipas ang tatlong taon. Noong 1294, ang buong bayan ng Nazareth ay nilusob ng mga mananakop na Muslim. Kung nanatili sa Nazareth ang Banal na Bahay, ganap na nawasak sana ito ng mga Muslim. Napaghandaan ng Diyos ang kapangahasan at inatasan ang Kanyang mga anghel na ilipat ang Bahay.
Sa paglipas ng mga siglo, ginamit ng Diyos ang mga taong gaya ni Santa Elena upang alisin ang mga relikya (mga sagradong bagay na may kaugnayan kay Jesus, Maria at mga santo) at ilipat sila sa mas ligtas na mga lugar. Minsa’y binisita ni San Juan Henry Newman ang Banal na Bahay at nagbigay siya ng isang malalim na pananaw tungkol sa pglipat dito. Aniya:
Siya na nagpalutang sa Arko (ni Noe) sa sulak ng malawak na dagat at nag-ipon doon ng lahat ng buhay na bagay, nagtago ng paraiso sa lupa, nagsabing mapakikilos ng pananalig ang mga bundok, nag-aruga sa libu-libo sa loob ng 40 taon sa isang tigang na ilang, nagdala at nagtago kay Elias hanggang sa huli, ay magagawa rin ito. Sa katunayan, nakikita natin ang lahat ng ulat ng Panginoon at ang Kanyang mga santo sa puso ng Kristiyanismo mula sa lahat ng sulok ng mundo habang nanghihimasok ang mga pagano sa Kanyang mga relikya. Nilisan ni San Agustin ang Hippo, ang propetang si Samuel at si San Esteban ay umalis sa Herusalem, iniwan ng kuna na hinigan ni Kristo ang Betlehem kasama si San Jerome, hinukay ang krus, tumungo si San Atanasio sa Venice. Sa maikling salita, wala akong hirap paniwalaan ito. Ngunit bakit sa Croatia ito unang pumunta? Bakit hindi ito deretsong dinala ng mga anghel sa Italya? Wala talagang nakakaalam sa sagot. Ninais marahil ng Diyos na basbasan ang lupain ng Croatia ng presensya ng Banal na Bahay bago ito dalhin sa takdang lugar. Minsa’y ginamot ni Jesus ang isang bingi nang ilang ulit, hindi madalian. Ang pagdala ng mga anghel sa Banal na Bahay sa maraming lugar bago ito ilagay sa Loreto sa huli ay may epekto ng pagbibigay ng maraming saksi sa milagrosong pagkawala at paglitaw ng Bahay. Sa madaling sabi, ipinakita sa pagpayag ng Diyos na magpalipat-lipat ang Bahay bago humimpil sa Loreto na hindi tao ang bumubuhat sa Bahay kundi mga anghel.
Narito ang mga nilakbay ng Banal na Bahay:
Noong Mayo 10, 1291, ang araw ng pagkawala nito sa Nazareth, nasaksihan ng mga tao sa Trsat, Croatia, ang biglang paglitaw nito sa baryo. Wala isa man sa kanila ang nakakaalam kung paano iyon napunta roon. Ang nakatatawag ng atensyon, napansin ng mga tagaroon na ang apat na dingding ng Bahay ay nakatirik sa lupa. Walang pundasyon ang bahay.
Pagkaraan ng tatlong taon, himalang naglahong muli ang Bahay noong Disyembre 10, 1294. Walang nakakita sa paglalaho ng Bahay. Ang tanging naiwan sa lugar na dating kinalalagyan ng Bahay ay ang balangkas nito sa lupa. Hanggang ngayon, may monumentong itinayo sa mismong lugar sa Trsat, Coatia, na kinalalagyan ng Bahay sa loob ng tatlong taon.
Saan nagpunta ang Bahay mula sa Croatia? Itinawid iyon ng mga anghel sa Dagat Adriatiko patungo sa bayan ng Piceno, Italya. Muli, isa na namang kagila-gilalas na bagay ang nangyari sa Piceno: Walang nakakita sa pagdating ng Bahay, at walang nakakaalam kung saan iyon galing. Nanatili sa lugar na ito ang Bahay sa loob ng walong buwan. Walong buwan lang ito sa Piceno dahil nagsimulang pagnakawan ng masasamang-loob ang mga peregrino (karamiha’y taga-Croatia) na bumibisita sa Banal na Bahay. Noong Agosto 1295, muling naglaho ang Bahay. At muli itong lumitaw sa isang gulod na di-kalayuan sa Piceno. Gayunman, ang gulod na kinalalagyan ng Bahay ay pag-aari ng magkapatid na lalaki, at nagsimula silang mag-away tungkol sa pagmamay-ari ng Bahay. Hindi magkasundo, sinimulang pagsamantalahan ng magkapatid ang mga peregrino. Ilang buwan lang nanatili sa kanilang gulod ang Bahay bago ito himalang naglaho muli!
Papapalapit sa Disyembre 1295, inilipat ng mga anghel ang Bahay sa malapit lang sa dati nitong kinalalagyan, ngunit malayo sa pag-aari ng magkapatid. Loreto ang tawag sa lugar, ang bayang kinaroroonan ng Bahay ngayon. (Ang apat na beses na paglipat ng mga anghel sa milagrosong Banal na Bahay ang dahilan kung bakit idineklara ng Simbahang Katoliko ang Our Lady of Loreto bilang patron ng paglalakbay sa himpapawid.)
Paanong nagkatotoo ang lahat ng ito? Noong 1296, isang taon makaraang dumating ang Banal na Bahay sa Loreto, inatasan ng Simbahang Katoliko ang 16 na kinatawan upang mag-imbestiga. Pinuntahan nila ang Loreto, Croatia, at Nazareth at matagal nilang pinag-aralan ang mga pangyayari. Sa Loreto sila unang pumunta.
Sa Loreto, kinuha nila ang eksaktong sukat ng Bahay kasama ang bawat detalye. Pagkatapos ay pumunta sila sa Yrsat, Croatia, at muling sinukat ang lugar na pinaglagyan sa Bahay. Mula rito, pumunta sila sa Nazareth upang ikumpara ang mga sukat sa Loreto at Trsat sa orohinal na pundasyon. Kamangha-manghang sa tatlong lugar (Loreto, Croatia, at Nazareth), eksaktong magkakapareho ang mga sukat! Walang anumang pagkakaiba. Perpekto lahat.
Makaraan ang ilang siglo, nagsagawa ang mga siyentipiko ng pagsusuring kemikal sa mga bato ng mga pader ng Banal na Bahay sa Loreto. Simuri rin nila ang mga kahoy na ginamit sa kisame ng Banal na Bahay. At natuklasan nila na ang mga pader ng Bahay ay sa Nazareth lang matatagpuan, pati ang kahoy sa kisame ay doon din galing! Pati ang lusong sa Bahay ay napatunayang gawa sa materyal na sa Holy Land lamang matatagpuan.
Dahil sa resulta ng mga pag-aaral, sinimulang itayo ang isang mas malaking simbahan sa paligid ng Bahay upang may matuluyan ang maraming peregrinong dumarating sa Loreto. Dagdag na patunay pa sa katotohanan ng mga mahimalang pangyayari, patuloy ang mga peregrino sa kanilang taunang paglalakbay sa Loreto mula sa Trsat, Croatia, at pagsamo sa langit na ibalik sa Croatia ang Banal na Bahay.
Pagkaraan ng pagdating ng Banal na Bahay sa Loreto, Italya, noong 1295, halos 50 papa na ang nagpatunay sa mahimalang pagbiyahe nito dala ng mga anghel, minsa’y tinatagurian ang pagbiyahe bilang “pagsasalin” ng Banal na Bahay. Noong ika-15 siglo, dalawang papa ang himalang gumaling sa Banal na Bahay. Sa ika-16 na siglo, isang mas matatag na basilika ang itinayo sa paligid ng Banal na Bahay upang ipagtanggol ito laban sa paglusob ng mga Muslim. Nang lumaon, upang higit pang patatagin ang istraktura, pinaligiran ito ng marmol na Carrara.
Bakit gumawa ang Diyos at ang Simbahan ng ganitong mga hakbang upang manatili ang Bahay? Dahil ito ang lugar kung saan naging tao si Kristo! Ayon sa tradisyon, ipinanganak at pinalaki si Maria sa Banal na Bahay, at dito sa Bahay na ito nagpakita si Arkanghel Gabriel sa Birhen, at ang Salita ay naging Laman. Ito ay Bahay ng sobrenatural na mga kamanghaan!
Sa Bahay na Banal din tumira ang Banal na Mag-anak ng Nazareth. Madalas iyong tawaging “Banal na Bahay ni Maria,” bagamat karampatan ding tawagin iyong “Banal na Bahay ni Jose.” Hindi tiyak kung kailan at paano napasakamay ni San Jose ang Bahay, bagamat malamang na nangyari iyon nang ikasal siya kay Maria. Sa katunayan, nagbigay ng mga palatandaan ang mga paghukay kamakailan sa tabi ng Basilika ng Pagpapahayag kung paanong ang bahay na kinalakhan ni Maria ay naging Bahay ng Banal na Mag-anak.
Kapag naglalakbay ang mga peregrino sa Holy Land, madalas silang pumupunta sa Nazareth upang makita ang Basilika. Ang hindi nila alam, napakalapit lang dito ng talyer ni San Jose.
Sinasabi ng tradisyon na nang magtipan sina Jose at Maria, bagamat bago sila nagsama, tumira at nagtrabaho si Jose sa sarili niyang bahay na malapit lang. Nang magsama na sila, pinili nilang tumira sa kinalakhang bahay ni Maria, at ginamit ni Jose ang kanyang bahay bilang talyer. Tutulungan tayo nitong maunawaan kung bakit wala si Jose nang nagpahayag ang anghel; hindi pa sila nagsasama noon.
Kakaibang relikya ang Banal na Bahay na daan-daan, kundi man libu-libong santo na ang nakabisita. Bago iyon inilipat sa Loreto, binisita iyon nina San Francisco ng Assissi at Santa Elena sa Nazareth. Mula nang ilipat iyon sa Loreto, di-mabilang nang santo ang naglakbay sa Loreto mula kay San Ignacio ng Loyola hanggang kay San Juan Pablo II.
Binisita ni Santa Teresa ng Lisieux ang Banal na Bahay noong 1887 noong papunta siya sa Roma kasama ang kanyang ama. Isinulat niya ito sa kanyang sariling talambuhay.
Makapangyarihang relikya ang Banal na Bahal. Doon tumira, natulog, kumain, at nagdasal sina Jesus, Maria, at Jose. Lubha iyong makapangyarihan kung kaya ayaw ng demonyong magkaroon ng kaugnayan doon. Nagbigay si Blessed Baptist Spagnoli ng Mantua, puno ng Carmelite Order mula 1513-1516, at isang paring lubhang deboto sa Banal na Bahay, ng kwentong nasaksihan niya tungkol sa eksorsismo na ginawa sa isang babae sa loob ng Banal na Bahay sa Loreto noong Hulyo,16, 1489:
Hindi ko makakalimutan ang isang bagay na nasaksihan ng dalawang mata ko at narinig ng dalawang tenga ko. May isang babaeng Pranses na maykaya at mula sa mabuting pamilya na ang pangala’y Antonia at matagal nang inaaniban ng masasamang espiritu at dinala ng kanyang asawa sa banal na lugar upang masaklolohan. Habang binabasahan siya ni Padre Stephen ng karaniwang pantaboy sa masasamang espiritu, isa sa mga demonyo ay nagyabang na siya ang pasimuno sa pagpaslang sa mga Sanggol. Nang tanungin siya sa kanyang kalituhan kung ito ang silid ng Mahal na Birhen, sumagot siya na ito nga mismo, ngunit ikinumpisal niya ito nang laban sa loob niya, dahil napilitan siyang aminin kay Maria ang katotohanan. Itinuro pa niya ang mga lugar sa Banal na Bahay kung saan nanggaling si Gabriel at si Maria.
May sariling liturhikal na araw kapistahan ang Banal na Bahay. Noong Abril 12, 1916, naglabas ng dekreto si Papa Benedikto XV na nagtakda sa Disyembre 10 bilang taunang liturhikal na Pista ng Pagsasalin ng Banal na Bahay. Hanggang ngayon, ang kapistahan ay buong galak na ipinagdiriwang sa Loreto tuwing Disyembre 10.
Ani Papa Benedikto XV: Ang Banal na Bahay sa Loreto ay isang tahanan kung saan ang banal na Salita ay nagkatawang-tao, at isinalin ng isang ministeryo ng mga anghel. Pinatutunayan ang kanyang katotohanan ng mga lumang monumento at di-mababaling tradisyon tulad ng patotoo ng Kataas-taasang mga Papa, ang kolektibong pagsang-ayon ng mananampalataya, at ang patuloy na mga himalang doon ay nagaganap hanggang ngayon.
(Salin mula sa aklat na “Consecration to St. Joseph” ni Fr. Donald H. Calloway, MIC.)