Ebanghelyo: Lucas 4:31-37
Bumaba siya sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan.
May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas: “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” Ipinag-utos naman sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Nagtaka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.
Pagninilay
Ipinapakita ng ating ebanghelyo hindi lamang ang kapangyarihan ni Jesus ngunit ang kanya mismong identidad bilang Banal ng Diyos. Hindi kailanman magtatagumpay ang kasamaan laban sa kabutihan. Sa mga pelikulang ating napapanood, nandoon lagi ang bida at ang kontrabida at laging sa huli ay ang tama ang nananaig. Tayo ay mula sa Diyos at hindi mula sa demonyo. Ibig sabihin kung tayo ay panig sa Diyos, may kakayahan din tayong supilin ang kasamaang nakapalibot sa ating lipunan. Lagi nawa nating alalahanin na kung tayo ay panig sa katotohanan, ang Diyos ang magigi nating sandata. At walang mas makapangyarihan pa sa ating Manlilikha at lahat ay maninikluhod sa kanya sa huli.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021