Ebanghelyo: Lucas 4:16-30
Pagdating ni Jesus sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?” Nagsalita si Jesus sa kanila: “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Gawin mo rin dito sa iyong bayan ang mga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum’.” At idinagdag niya: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may-ketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.”
Pagninilay
Bumalik si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa sinagoga. Sa una, nagtaka ang mga tao sa karungunan ni Jesus, pero dahil kilala nila kung saan siya galing, nagduda sila at hindi na sila nakinig pa. Hindi madali kay Jesus ang kaniyang misyon gawa ng katigasan ng ulo ng kanyang mga kababayan. Naging kasabihan ang sinabi ni Jesus na walang propetang tinatanggap sa sariling bayan. Minsan, tayo ay katulad ng mga kababayan ni Jesus, na nagdududa at matigas ang ulo. Mabuti na hindi sumusuko ang Diyos sa atin at patuloy na nagpapadala ng mga propeta at apostol… sa iba’t-ibang paraan upang iparating sa atin ang kanyang Salita at kalooban. Ngunit mag-ingat tayo! Aba sa atin kung hindi natin makikita o mapapansin ang tulong at pag-ibig ng Diyos na dumarating sa pamamagitan ng mga tao na lagi nating kasama.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020