Ebanghelyo: Mt 23: 13-22
Kaya kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Isinara ninyo ang kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumasok at hindi rin ninyo pinapasok ang mga makapapasok. Kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Nililibot ninyo ang dagat at lupa para maghanap ng isang bagong tagapaniwala at pagkapaniwala niya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno, na mas masahol pa sa inyo. Kawawa kayong mga bulag na tagaakay! Sinasabi ninyong ‘Walang bisa kung sa Templo nanunumpa, pero may bisa kung sa ginto ng Templo.’ Mga bulag at baliw! Alin ba ang mas mahalaga? Ang ginto sa Templo o ang Templong nagpabanal sa gintong ito? Ang sabi ninyo’y walang bisa kung sa altar manunumpa pero may bisa kung sa handog na nasa altar. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga: ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? Ang manumpa sa ngalan ng altar ay dito at sa lahat ng narito nanunumpa. Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa dito at sa Diyos na naninirahan sa Templo. Ang sinumang manumpa sa ngalan ng Langit ay sa trono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.
Pagninilay
Maliwanag sa iba’t-ibang parte ng Ebanghelyo na tinutuligsa ni Jesus ang hindi kanais-nais na ugali at kilos ng mga guro ng Batas, mga Pariseo, at iba pang mga namumuno sa panahon Niya. Ayaw ng Panginoon ng mga taong ipokrito at mga mapagkunwari na nagsusumikap magpalabas ng kalinisan at kaayusan sa labas habang puno naman ng pagiging makasarili sa panloob. Dahil si Jesus ang daan, ang katotohanan, at ang buhay, hindi Siya sang-ayon sa mga taong nagbabalat kayo. Sabi nga sa isang talata ng Banal na Kasulatan, “nakikita ng tao ang panlabas na anyo, ngunit nakikita ng Diyos ang laman ng puso.” Sa mga halimbawang ipinamalas ni Jesus sa piling ng Kanyang mga alagad, ibinunyag Niya ang landas ng pagmamahal at paglilingkod na walang bahid ng kayabangan at labis na pagmamahal sa pera. Tularan natin ang halimbawa at mga aral ni Jesus, upang matutunan din natin ang magpakumbaba at tumanggi sa sarili upang lakas loob na tanggapin at pasanin ang krus at sundan ang yapak ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024