Ebanghelyo: Jn 6: 60-69
Nang marinig ito ng kanyang mga alagad, marami sa kanila ang nagsabi: “Mabigat ang salitang ito. Sino ang makakapakinig dito?” Alam ni Jesus sa kanyang sarili na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kayat mapansin n’yo ang Anak ng Tao umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko sa inyo’y espiritu kaya buhay. Ngunit may ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Pagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sinu-sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At sinabi niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyong walang makalalapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sumama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto n’yo rin bang umalis?” Sumagot sa kanya si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay magpakailanman meron ka. Naniniwala na kami at kilala naming ikaw ang Banal ng Diyos.”
Pagninilay
Habang tayo ay nabubuhay, may mga taong dumarating at umaalis sa ating mundo. Sila ay nagiging bahagi ng ating kasaysayan, marahil upang tayo ay mabigyan ng magagandang alaala, o panghabambuhay na aral o leksyon. Habang ang gulong ng ating buhay ay patuloy na umiikot, patuloy din ang pagtanggap natin ng mga taong darating sa ating buhay, at patuloy din ang ating pamamaalam sa mga taong aalis upang ipagpatuloy ang kani-kanilang landas. Sa ebanghelyo, marami sa mga tagasunod ni Jesus ang tumalikod na at umalis habang lumiliwanag na sa kanila ang kanyang tunay na misyon, at ang totong hamon ng pagiging alagad Niya. Iba-iba ang tao. Magkakaiba ang tawag ng Diyos sa bawat isa at magkakaiba rin ang pagtugon ng bawat tao. Natural na bahagi talaga ang pamamaalam sa isa’tisa. Dahil bawat tao at bawat sitwasyon ay iba. Napakahirap malaman kung ano ba talaga ang mas masakit at mas malalim na sugat, ang iniiwan o ang nagpaalam na umalis? Napakaraming paghihiwalay na nangyayari sa mga mag-asawa. Sa katagalan ng panahon mayroon pa ring mag-asawa na nag-iiba na ang landas. Ika nga ng pilosopo na si Heraclitus, “change is the only permanent thing in this world.” Nagbabago ang tao at binabago ng pagkakataon ang sitwasyon, damdamin, at pag-iisip ng bawat isa. Tanging ang Diyos lang ang nananatiling hindi nagbabago. Ang pag-ibig at pagmamahal Niya sa atin ay walang katapusan. Nawa’y matuto tayo na Siya ang gawing sentro ng ating buong buhay at buong pagkatao. Kung tayo man ay magbago, tayo ay makatitiyak na Siya ay mananatiling tapat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024