Ebanghelyo: Mateo 23:27-32
Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas pero puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal ngunit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban.
Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa mga propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana tayo sumang-ayon na patayin ang mga propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa mga propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!
Pagninilay
Makikita sa buhay ni Pablo na walang pag-iimbot ang kaniyang pag-aalay ng sarili para sa misyon. Sa kaniyang wika sa mga taga-Tesalonika, inihayag niya ang kanilang trabaho at sakripisyo at ginawa nila ito sa kabanalan at katarungan. Sa ating buhay sa kasalukuyan, marami sa atin ang nagtatrabaho at nagsasakripisyo para sa pamilya at kinabukasan. Minsan ay makikita natin na ang trabaho na ang kumakain sa ating buong buhay. Sa halip na ito ang magbigay buhay sa atin, ito na ang nagiging sentro ng ating buhay. Inaanyayahan tayo ngayon na magnilay sa ating misyon. Sa ating mga gawain nawa, makapamuhay pa rin tayo sa kabanalan at katarungan. Sa ating trabaho, eskwela o sa pang-araw araw na buhay, nagagawa ba natin ang mga ito sa banal at makatarungang paraan? O minsan ay nakakaapak na tayo ng ibang tao alang-alang sa trabaho at pagkamit ng ating sariling adhikain? Suriin an gating sarili at sa huli, kagaya ni Pablo, nawa ay ibalik natin sa Diyos ang papuri at pasasalamat sa ipinagkaloob sa ating misyon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021