Ebanghelyo: Jn 1: 45-51
Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, natagpuan namin siya – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” Sinabi naman sa kanya ni Natanael:
“May mabuti bang puwedeng manggaling sa Nazaret?” Sagot sa kanya ni Felipe: “Halika’t makikita mo.” Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Jesus: “Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhikpanaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Pagninilay
Kapistahan ngayon ni San Bartolome, isa sa mga alagad ni Jesus. Kilala siya sa pangalang Natanael (Nathanael or Nathaniel), na ayon kay Jesus ay isang “totoong Israelitang walang pagkukunwari,” dahil siya ay nakita na ng Panginoon na nasa ilalim ng punongigos (Juan 1:45-51). May mga dalubhasa sa Biblia na nagsasabing nagbabasa raw kasi si San Bartolome ng tungkol sa Batas ng Israel sa ilalim ng puno. Ayon sa tradisyon, siya ay pumunta sa bandang silangan pagkatapos umakyat si Jesus sa langit. Ipinahayag niya ang Mabuting Balita sa Armenya at dahil sa kanya nagpabinyag sa ngalan ni Jesus ang Hari doon. Ito ang naging dahilan kaya binalatan siya ng buhay, hanggang sa pinugutan ng ulo. Bukod sa pagiging apostol, siya rin ay kinilalang martir ng simbahan. Ayon sa kasabihan ng Simbahang Katoliko, “ang dugo ng mga martir ay binhi ng Simbahan.” Sa kalupitan at hirap na dinanas ni San Bartolome, marahil maraming tao rin ang namangha sa kanyang katapangan at dedikasyon bilang alagad ni Jesus. Siya ay patron ng mga mananahi at sa mga taong ang hanapbuhay ay may kinalaman sa paggamit ng balat gaya ng sapatos, sinturon, bag, atbp.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024