Ebanghelyo: Juan 1:45-51
Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, natagpuan namin siya – si Jesus na anak ni Jose, na taga- Nazaret.”
Sinabi naman sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang puwedeng manggaling sa Nazaret?” Sagot sa kanya ni Felipe: “Halika’t makikita mo.” Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita.”
Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.”
At idinugtong ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Pagninilay
“Halika at makikita mo.” Ito marahil ang isa sa pinakamahalagang linya sa ating Ebanghelyo ngayon. Kadalasan, kapag may nais tayong patunayan sa ibang tao, sinasabi natin na: “Tingnan mo ito.” Kailangan lagi natin ng ebidensya upang mapatunayan natin ang katotohanan. Sa isang tagpo, kailangan natin ng testigo o magpapatotoo. Bilang mga tagasunod ni Kristo, tayo ba ay nagpapatotoo rin sa pamamagitan ng ating mga pakikisalamuha sa kapwa? O minsan ay taliwas ang ating buhay pananampalataya at pagsasabuhay. Nawa tuwing makikita tayo ng ating kapwa ay masasabi nila na nais din nilang makilala si Jesus dahil sa atin at atin ding mawiwika sa kanila na “Halika at makikita mo.” Ang ating buhay nawa ay maging pagpapatotoo ng kabutihan at pagmamahal ng Diyos. Wika nga ni William J. Toms: “Be careful how you live; your life may be the only Bible someone reads.” Sa pamamagitan natin, nawa ay mas naisin ng iba na mapalapit sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021