Ebanghelyo: Juan 1:45-51
Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, natagpuan namin siya – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” Sinabi naman sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang puwedeng manggaling sa Nazaret?” Sagot sa kanya ni Felipe: “Halika’t makikita mo.” Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punong-igos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhikpanaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Pagninilay
Sa listahan ng labindalawa nina Mateo, Marcos at Lucas, magkasunod ang mga pangalang Felipe at Bartolome (cf. Mt 10:3). Ayon sa mga dalubhasa sa bibliya, maaring si Bartolome ang tinawag ni Juan na si Natanael. Mapalad siya dahil sinabi ni Jesus na isa siyang totoong Israelita na walang pagkukunwari. Naging Karapat-dapat si Natanael sa papuri ni Jesus, dahil palagi siyang nagbabasa ng Bibliya sa ilalim ng punong-igos at nagbunga ng mabubuting gawa ang kanyang paghihintay sa Mesiyas. Nakikita rin ba sa ating buhay ang bunga ng ating pagbabasa ng Bibliya at pagtanggap kay Jesus bilang Mesiyas? Pupurihin din tayo ni Jesus kapag ang kanyang Salita ang lagi nating pinagninilayan at nagbubunga ng mabubuting gawa ang ating pananalig sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020