Ebanghelyo: Mt 22: 34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumang-ayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pag-iisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
Pagninilay
Bilang guro, si Jesus ay tunay na mahusay at napakaepektibo. Dumaan na ang mahigit dalawang libong taon ngunit patuloy pa rin nating nababasa at naririnig ang kanyang mga itinuro. Sa panahon na wala pang kuryente, black or white board, mga panulat na de color, cell phone, computer atbp., tanging gamit ni Jesus ay ang Kanyang angking talino, boses, karisma, at kilos upang turuan ang mga nakikinig sa pamamagitan ng mga talinghaga, kwento, at ehemplo na hango sa pangkaraniwang karanasan sa buhay. Sa ebanghelyo ngayon, ginawa ni Jesus na simple (pedagogy of simplification) upang madaling matandaan at maunawaan ang buong Batas at mensahe ng mga Propeta sa Lumang Tipan. Siya’y sadyang kahanga-hanga bilang guro, at ito marahil ang dahilan kaya patuloy Siyang huwaran o modelo ng lahat ng mga guro sa buong mundo at sa anumang panahon. Kung ating bibigyan ng mas malalim na pagsusuri, napakasimple rin naman talaga ang kagustuhan ng Diyos para sa Kanyang bayan. Subalit, sadyang matigas lang siguro talaga ang puso ng tao at hindi nakikinig sa Salita ng Diyos kaya ang mga tao ay parang mga buto na tuyong-tuyo na nagkalat sa dito sa lupa (Ezekiel 37:1-14) na walang buhay dahil wala ang Espiritu ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024