Ebanghelyo: Mateo 16:13-20
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.” At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya nga ang Mesiyas.
Pagninilay
Noong seminarista pa ako, nakapaglingkod ako bilang sakristan sa isang obispo ng Buenos Aires, Mons. Jorge Bergoglio. Simpleng tao lang siya, ngunit pinili siya ni Jesus upang maging Santo Papa sa pangalan ni Pope Francis. Noong siya’y napili, maraming tao ang bumalik sa Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo at nabago rin ang tingin ng maraming tao sa Simbahan. Gawain talaga ng Espiritu Santo na siya’y naging Santo Papa. Sa pamamagitan din ng Espiritu Santo si Pedro ay sumagot kay Jesus sa tanong Niya at itinalaga siya ni Jesus bilang kanyang kahalili sa mundo. Ipinagkatiwala kay Pedro ang awtoridad pagdating sa batas ng Simbahan, tamang pang-unawa ng Biblya, at ng mga bagay sa ating pananampalataya. Kung sino man ang makinig at sumunod kay Pedro nakikinig at sumusunod kay Kristo. “Ang Santo Papa ang mahinahon lawaran ni Jesus sa mundo.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2020