Ebanghelyo: Mt 22: 1-14*
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga talinhaga: “Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo. Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: ‘Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan.’ Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. (…) Lubhang nagalit ang hari kayat ipinadala niya ang kanyang hukbo para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya sa kanyang mga katulong: (…)Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo.’(…) Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampiyesta. Kaya sinabi niya sa kanya: ‘Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal?’ Ngunit hindi umimik ang tao. (…)
Pagninilay
Natatanto lang natin ang tunay na kahalagahan ng iba o bagay sa ating buhay, kung ito ay wala na. Madalas ay nababalewala natin ang mga tao o bagay na malaking parteng ginagampanan sa ating buhay. Bagamat natural, hindi rin mainam na balewalain (taking things for granted) lamang ang mga tao o mga bagay na may ambag o silbi sa ating buhay. Sa kasaysayan ng kaligtasan, paulit-ulit na binalewala ng bayang Israel at Juda ang kagandahang loob na ipinamalas sa kanila. Maraming beses na tinalikuran nila ang kanilang pakikipagtipan kay Yahweh at sila ay sumamba sa diyos-diyosan. Sa kabila ng napakaraming biyaya at himalang naipapamalas sa kanila, sila ay naghanap ng ibang sasambahin. Sila ay hindi naging tapat sa kasunduan kay Yahweh. Dahil sa tindi ng Kanyang pagmamahal, ang Diyos ay patuloy na nagpadala ng mga propeta na magpapaalala sa bayang Israel na magbalik-loob sa Diyos at baguhin ang kanilang puso. Nangako Siya na binigyan niya ang Kanyang katipan ng bagong puso at ilalagay Niya ang bagong Espiritu sa loob ng mga sumasampalataya sa Kanya. Maganap nawa ang kalooban ng Diyos at maisakatuparan ang Kanyang planong kaligtasan sa buong mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024