Ebanghelyo: Mt 20: 1-16*
Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang isang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta na niya sila sa ubasan. Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga (…) kinatanghalian at nang magiikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. (…) Sinabi niya: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan. Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo (isang baryang pilak). Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tigisang denaryo. Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. (…)Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Di ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako? Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
Pagninilay
Sa homiliya ng isang paring Katoliko, madiin niyang ipinaliwanag na si Jesus ay mabuting pastol. Hindi sinabi sa Banal na Kasulatan na Siya ay mabait na pastol. Ang mabuting pastol ay handang ialay ang lahat na kanyang makakaya para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga tupa. Kung kinakailangan makipaglaban o pumatay ng mabingis na hayop na nanggugulo sa kawan, gagawin ito ng mabuting pastol. Ang mabait (kind) na pastol naman ay tiyak na iiwas sa ganitong sitwasyon. Sa Unang Pagbasa, hindi kuntento ang Diyos sa mga pastol ng Israel dahil napabayaan nila ang kanilang tungkulin na alagaan ang kawan. Marahil ang mga pastol na ito ay mabait sa kapwa nila mga pastol, ngunit nakatitiyak tayo na hindi sila mabuting pastol. Sarili nila ang kanilang pinapakain at binusog at hindi ang kawan. Dahil dito, babawiin sa kanila ang mga tupa at ipagbabawal na silang alagaan ang mga ito. Si Jesus na mismo ngayon ang ating pastol. Ang Santo Papa ang bukod tanging kumakatawan kay Kristo bilang ulo ng Simbahan. Sa Kanya lang tayo makakaranas ng tunay na kaginhawahan. Makatitiyak tayo na ibabalik Niya tayo sa Kanyang Ama pagkatapos nating magampanan ang tunay
na dahilan kung bakit tayo ay nabubuhay sa mundo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024