Ebanghelyo: Lucas 13:22-30
Dumaan si Jesus sa mga lunsod at mga nayon, na nagangaral habang papunta siya sa Jerusalem. May nagtanong sa kanya: “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas?” At sinabi ni Jesus sa mga tao: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at di makapapasok.
Kapag tumindig na ang may-ari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing ‘Panginoon, buksan mo kami.’ Sasagot naman siya sa inyo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo.’
Kaya sasabihin ninyo: ‘Kami ang kumain at uminom na kasalo mo, at sa aming mga lansangan ka nangaral.’ Pero sasagutin niya kayo: ‘Hindi koalam kung tagasaan kayo. Lumayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama.’ Naroon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin pagkakita ninyo kina Abraham, Isaac, Jacob at sa lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos, at ipagtatabuyan naman kayo sa labas. At makikisalo naman sa Kaharian ng Diyos ang mga darating mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga. Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli.”
“Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at di makapapasok.”
Pagninilay
Naranasan mo na bang ma-Who you? Ibig sabihin, hindi ka kinilala nang taong inaasahan mo na kakilala ka. Kapag nagmemessage via messenger o kahit sa text at wala ka sa friends list or address book talagang masasabihan ka nang Who you? Ito rin ang tagpo sa Ebanghelyo. Marami ang kumakatok sa pintuan pero hindi sila pinagbuksan para papasukin. Nasabihan pa silang hindi kakilala. Kahit pa magsabi sila ng mga ebidensya na sila ay nagkasama, sadyang masakit at nakakahiya na hindi ka kilalanin.
Ito ang isang katotohanan na haharapin natin pagdating ng panahon
– tayo ay lilisan sa mundo at haharap sa tahanan ng Diyos. Masakit pala ‘yong hanggang sa labas ka lang dahil hindi ka “invited”. Magiging napakalungkot pala ng mararamdaman natin kapag hindi tayo kinilala ng Diyos. Kahit sabihin pa natin na nagsisimba naman tayo lagi. Nagdadasal naman tayo ng lahat ng novena. Hindi pala natin lahat ito pwedeng gamitin “gate pass” sa pintuan ng langit.
Madali kasing magsimba at magdasal nang lahat ng mga nobenaryo. Pero kung hindi naman tayo magsusumikap magpakabuti at gumawa ng mabuti, hindi tayo kikilalanin ng Diyos upang makapasok sa Kanyang tahanan. Kaya magandang pagnilayan kung ang atin bang mga ginagawa ngayon ay magdadala sa atin sa kabutihan o kapahamakan? Mahirap magsisi sa huli. Ganun pa man, may oras pa tayo para baguhin ang uri ng ating pamumuhay at ang mga desisyon nating ginagawa. Habang may pagkakataon pa, magpakilala na tayo sa Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti dahil ito ang magiging “ticket” natin sa langit.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022