Ebanghelyo: Mateo 23:1-12
At sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan, sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitang-tao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao.
Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa.
Pagninilay
Tuwing tayo ay nagbibigay ng tulong, may ilan sa atin na nais na mailagay ang pangalan, ang iba naman ang nais lamang ipalagay ay anonymous. May ilang mga tao na nais lamang tumulong kung maipapaskil ang kanilang pangalan at kung makikita ng lahat na sila nga ay tumulong. Nakakalungkot na ganito minsan ang ating disposisyon ng pagtulong. Ang pagiging mabuti nawa sa ating kapwa ay hindi lamang dahil sa palakpak at pagkilala ng iba. Ang pagiging mabuti nawa ay dahil nais nating makawangis si Jesus at makilala ng kapwa si Jesus sa pamamagitan ng kabutihan natin. Sa ating buhay mananampalataya, hindi tayo o ang mabuti nating gawain ang dapat dakilain. Tayo ay daan lamang upang ang kapwa natin ay tunay na makita at maramdaman ang pagmamahal ng Diyos. Hindi mauuna ang marurunong, mababait, o mayayaman. Sabay-sabay tayo sa pagtahak ng landas ni Jesus. Sama-sama nawa tayong makilakbay sa pananampalataya. Si Jesus ang gabay nating lahat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021