Ebanghelyo: Mt 19: 23-30
At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mahirap makapasok ang mayaman sa kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa kaharian ng Langit.” Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: “Imposible ito para sa tao; pero para sa Diyos, lahat ay posible.” Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo: ano naman ang para sa amin?” Sumagot si Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumunod sa akin: sa Araw ng Pagbabago, pag upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang buong luwalhati, uupo rin kayo sa labindalawang trono para maghari sa labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid, ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa ngalan ko, tatanggap siya ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.
Pagninilay
Ayon kay Jesus, “mahirap makapasok ang mayaman sa kaharian ng Langit.” Ang kayamanan ba ay biyayang galing sa Diyos? O ito ba ay kamalasan na si Satanas ang pinanggalingan? Hindi ba sa pang araw-araw ng takbo ng buhay, maraming tao na umaakyat ang estado o umaasenso, ay lubos na nagpapasalamat sa Diyos dahil inaamin nila na kung ano man ang materyal na bagay meron sila ay itinuturing nilang biyaya o “blessing” na galing kay Lord? Ano na ang nararapat na pananaw tungkol sa pagyaman o kayamanan? Ang kayamanan ay hindi masama (immoral) o mabuti (moral/ethical). Ang pagiging mabuti o masama ay nanggagaling sa puso at isip ng tao. Kung dahil sa kayamanan, ang isang tao ay naging mapagmalaki sa kapwa at nagsimulang tingnan ang sarili na makapangyarihang indibidwal na hindi na nangangailangan ng Diyos, ito ay isang malaking kasalanan at baluktot na pag-iisip. Ang taong lalaki ang ulo dahil sa kanyang katalinuhan, kakayahan, at kayamanan, ay normal na magkaroon ng ugali na pakiramdam niya ay siya na ang Diyos. Ito ay hindi nga katanggap tanggap sa Kaharian ng Langit. Ang ganitong klaseng pag-iisip ay tiyak na magdudulot ng katigasan ng puso na wala ng puwang sa pag-ibig ng Diyos at sa alok Niya ng buhay na walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024