Ebanghelyo: Mt 19: 16-22
Nang oras ding iyon, lumapit sa kanya ang isang binata at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus: “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” At sinabi naman ng binata: “Anong mga utos?” Sumagot si Jesus: “Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina, at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” At sinabi sa kanya ng binata: “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang
ko?” At sinabi ni Jesus: “Kung gusto mong maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.
Pagninilay
Sa kasaysayan ng kaligtasan na mababasa natin sa Lumang Tipan, naging tapat magpakailanman ang Diyos sa Kanyang pakikipagtipan sa Israel at Juda. Ang Diyos ay tila isang nobyo na sa labis na pagmamahal sa kanyang nobya ay ibinigay na ang lahat sa ikagaganda ng kanyang irog. Pero, ilang beses siyang pinagtaksilan ng nobya na parang babaeng bayaran na naghanap ng iba’t-ibang kapalit. Sa Salmong Tugunan, matutunghayan natin ang mga salitang malungkot na naglalarawan sa pagtataksil na ipinadama ng bayang hinirang ng Diyos. Siya ay kinaligtaan (taken for granted), kinalimutan (unmindful of His love and mercy), at ginalit (made to feel jealous and unimportant). Ang kataksilan ng bayang hinirang ay masakit at masaklap na karanasan sa isang Diyos na nagmamahal. Ang tanging gusto Niya ay mahalin Siya ng higit sa lahat, gawin Siyang una sa lahat, at ihanda ang puso na tanggihan ang anumang tao o bagay (Mateo 19:21) dahil Siya naman talaga ang pinakamahalaga at pinanggalingan ng lahat.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024