Ebanghelyo: Mateo 22:1-14
Muling nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga:
“Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito: May isang haring naghanda sa kasal ng Kanyang anak na lalaki. Ipinatawag Niya sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo.
Muli Niyang pinapunta ang iba pang katulong para sabihin sa mga inanyayahan sa kasalan: ‘Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo sa kasalan.’ Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may pumunta sa Kanyang taniman, at sa Kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay.
Lubhang nagalit ang hari kaya’t ipinadala Niya ang Kanyang hukbo para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi Niya sa Kanyang mga katulong: ‘Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan.
Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan sa kasalan ang bawat makita ninyo.’
Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag.
Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa hapag at napansin Niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pangkasal. Kaya sinabi Niya sa Kanya: ‘Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit pangkasal?’ Ngunit hindi umimik ang tao. Kaya sinabi ng hari sa Kanyang mga katulong: ‘Igapos ang Kanyang mga kamay at paa, at itapon sa dilim, kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.’ Marami ngang talaga ang tinawag pero kaunti ang pinili.”
Pagninilay
Sa isang piging hindi lahat ay inaanyayahan. Pinipili lamang natin ang ating mga bisita, mga taong malapit sa atin at mga taong may naiambag sa ating buhay. Ngunit iba ang piging na inihanda ng Diyos. Ang piging na ito ay para sa lahat: matanda, bata, mayaman, mahirap, nakatapos ng pag-aaral o hindi, mababait at makasalanan. Tayong lahat ay inaanyayahan. Subalit, minsan tayo ay nasa hapag na ng Panginoon pero ang puso natin ay puno pa rin ng poot at galit. Ito marahil ang ibig sabihin ni Jesus sa Ebanghelyo noong kaniyang winika: “Marami ngang talaga ang tinawag pero kaunti ang pinili.” Hindi, ang panglabas na suot ang masama. Kundi higit ay ang laman ng ating puso. Sa ating pagtugon sa panawagan ng Diyos, maging buo nawa ang ating pagsunod. Sa ating bawat pagsimba at paglilingkod, hindi lamang sana ito makita sa pamamagitan ng mga gawaing pang-Simbahan ngunit makita rin nawa ito sa ating pakikitungo sa ating kapwa sa araw-araw nating pamumuhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021