Ebanghelyo: Mateo 20:1-16
Sinabi ni Jesus: Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang isang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta na niya sila sa ubasan. Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila. Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang magiikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa?’ Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.’ Sinabi niya: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo (isang baryang pilak). Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila’y tatanggap sila ng higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-isang denaryo. Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. “Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito, at ipinapantay mo sila ngayon sa amin na maghapong nagtrabaho sa init ng araw.’ Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Di ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?’ Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
Pagninilay
Ang mga hapon nang dumating at nagsimula ay hindi nahuli dahil sila’y tamad, bagkus dahil walang umupa sa kanila. Nakatayo lang sila sa plasa para bigyan sila ng trabaho. Ang ating ginagawa ang siyang nagbibigay sa atin ng karangalan at self-confidence. Kung maybahay ka at maganda ang takbo ng tahanan, masaya ka dahil ito’y gawain mo. At kung bread-winner ka at ginagawa mo ito, masaya ka rin. Ang bread-winner na walang trabaho ay mababa ang tingin sa sarili. Ang mga huling dumating ay mga bread-winner, pero walang umupa sa kanila kaya tiyak na mababa ang self-confidence. Napakabait ang may ari ng ubasan: hindi lang naging bukas- palad pagdating sa sahod, kundi nakatulong pa sa pag-unlad nila bilang tao upang maibalik ang karangalan. Binibigyan tayo ng Diyos ng ating mga kailangan para maging katulad niya at matuklasan sa ating mga sarili ang kaya natin gawin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020